LUNGSOD NG MALOLOS – Mga kabataang Bulakenyo na may “K” o kahusayan at kakayahan ang muling kikilalanin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ng Provincial Youth, Sports, and Public Employment Service Office (PYSPESO) sa pamamagitan ng Gintong Kabataan Awards (GKA) 2018 sa darating na Oktubre.
Ang GKA ay taunang parangal na patuloy na umiinog sa buhay ng kabataang Bulakenyo. Ang mga natatanging kabataang naitanghal dito ay nagsilbing huwaran ng ibang kabataan at patuloy na kinikilala sa buong bansa at maging sa buong mundo.
Kabilang sa mga kategoryang pararangalan sa GKA ang Gintong Kabataan sa Kagalingang Pang-akademya at Agham (High School at College Level), Gintong Kabataan sa Larangan ng Sining at Kultura (Indibidwal at Grupo), Gintong Kabataang Entreprenyur, Gintong Kabataan sa Larangan ng Paglilingkod sa Pamayanan (Indibidwal at Grupo), Gintong Kabataang Manggagawa (Professional Worker, Skilled Worker at Government Employee), Gintong Kabataan sa Larangan ng Isports (Indibidwal at Grupo) at Gintong Kabataang Bayani.
Ayon kay Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado, maaaring magsumite ng nominasyon hanggang Hulyo 6, 2018 at ang mga nominado ay dapat na may dugong Bulakenyo o naninirahan sa Bulacan sa nakaraang tatlong taon at may edad na 15-35 taong gulang. A.BORLONGAN
Comments are closed.