HINDI maikakaila na dahil sa pananalasa ng COVID, isa sa mga labis na apektado ay ang sektor ng kalakalan o pagnenegosyo.
At dahil dito, kailangang siguruhin ng gobyerno na sa kabila ng mga pangyayaring ito, mapananatiling aktibo ang mga negosyo na malaking tulong para manatili ring malusog ang ating ekonomiya.
At dahil chairman tayo ng committee on finance sa Senado, pangungunahan po natin ang pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor upang makonsulta sila sa mga hakbang na gagawin ng pamahalaan para matulungan ang mga pagnenegosyo sa bansa sa gitna ng pandemyang ito.
Layunin po natin dito na marinig mula sa mga kinatawan ng pribadong sektor kung gaano kalaki ang naging epekto ng pandemyang ito sa kanilang hanay. Nais din nating malaman sa kanila kung ano-ano ang mga ginawa nilang hakbang para matulungan ang kani-kanilang mga empleyado sa kasagsagan ng lockdown.
Batid naman natin na dahil sa tatlong buwang pagkakatengga ng mga negosyo ay marami talaga ang nalugi. At ito ang aalamin at reresolbahin natin upang matiyak na hindi tuluyang babagsak ang kanilang negosyo at hindi rin mawawalan ng trabaho ang kanilang mga empleyado sa ilalim ng bagong sistema o sa tinatawag nating ‘new normal’.
Bilang kasagutan, isinusulong natin ngayon sa Senado ang Senate Bill 1417 o ang Economic Rescue Plan for COVID-19 na naglalayong muling pasiglahin ang kalakalan sa bansa at ang pagbabangon sa ekonomiya.
Ang pandemyang dala ng COVID-19 ang itinuturing na pinakamalaking balakid sa global economy mula nang maganap ang Great Depression noong 1930s. At kung hindi tayo agad-agad kikilos, lalo’t tayo ay isa sa pinakamahihirap na bansa sa daigdig, baka sapitin na naman natin ang matinding kahirapan. Kailangang pagsikapan nating makabangon hindi lang para sa ano pa man kundi para maisalba at matulungan ang mga higit na nangangailangan.
Mainam na pagkakataon na rin ang pagdinig sa inihahain nating panukala para makita o mapag-aralan natin kung ano-ano ang mga dapat repasuhin sa mga ipinatupad na programa sa ilalim ng Bayanihan Act.
Maaari kasing may mga dapat ipagpatuloy sa mga programang ‘yan, at puwedeng may mga dapat nang baguhin. Gagawin natin ‘yan upang mas maging epektibo ang mga hakbang ng gobyerno sa pagsugpo ng pandemyang ito at para unti-unti na tayong makabangon.
Comments are closed.