MGA NEGOSYANTE PALAG NA SA OVERSUPPLY NG MANOK

MANOK

PUMALAG na ang isang grupo ng mga negosyante kahapon dahil sa umano’y oversupply ng manok na ikinalulugi nila at hindi naman anila nagpapababa ng presyo.

“Puno ang mga cold storage facility dahil sa mga imported na baboy at manok na dumating sa bansa nitong nakaraang taon,” ani Gregorio San Diego, chairman ng United Broiler Raisers Association.

Dahil dito, napi­pilitan aniya ang mga miyembro ng kanyang grupo na agad ibenta ang kanilang mga kinatay na manok, kahit pa sa mas mababang presyo.

Mas lalaki aniya ang kanilang lugi kung ipagpapaliban ang pagkatay sa mga manok dahil sa gastos sa pakain.

“Sana naman ‘pag ganitong panahon na sob­ra-sobra ang supply, suportahan ang local farmers… Marami na sa amin ang tumigil, hindi kaya e, lugi ka nang lugi,” daing niya sa panayam.

Dagdag ni San Diego, ipinagtataka ng kanyang grupo kung bakit hindi bumababa ang pres­yo ng manok sa mga palengke kahit pa labis ang supply.

Nitong Lunes, nasa P145 kada kilo aniya ang bentahan sa ilang palengke. Nasa P120 kada kilo lang aniya dapat ang bentahan dahil P67 lang ang farm gate price, na kapag pinatu­ngan ng P50 ay sapat na para kumita ang lahat ng players.

“Sana naman iyong mga Filipino konsyumer makinabang doon sa lugi namin, e hindi nakikinabang. Maliit na portion lang ng industriya ang nakikinabang sa aming kalugihan dahil hindi naipapasa sa konsyumer iyong mababang presyo,” ani San Diego.

Hiniling niya sa pamahalaan na ipatigil muna ang importasyon ng manok.

Nangako na aniya si Agriculture Secretary Emmanuel Piِñol na resolbahin ang sitwasyon nang makipagpulong ito sa kanilang grupo kama­kailan.

Comments are closed.