MGA NEGOSYANTE SA MARAWI NAKAKUHA NG TULONG PINANSIYAL

SB CORP

NAGBIGAY ang Small Business Corp., isang micro-financing entity ng Department of Trade and Industry (DTI), ng P6.17 million halaga ng pautang sa daan-daang mga negosyante sa war-torn city ng Marawi.

Sa isang pahayag, sinabi ng DTI na ang SB Corp. ay patuloy na sumusuporta sa internally displaced persons (IDPs) at uniformed personnel— kasama ang kanilang pamilya—na namatayan o nasugatan noong limang buwang gulo sa Marawi noong nagdaang taon.

“We are giving our commitment to the IDPs that the administration of President Duterte will continue to seek ways in providing business and livelihood opportunities to help them and Marawi recover,” paha­yag ni Trade Secretary Ramon Lopez.

Hanggang Oktubre 21, nakapagbigay na ang SB Corp. ng livelihood assistance sa 422 negosyanteng mga Maranao ng total loans na nagkakahalaga ng P6.16 milyon sa pamamagitan ng programang Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (P3).

Ang P3 ay isang financing program na umaasang mawawala ang loan sharks sa kanilang negosyo, at makapagbibigay sa MSMEs ng daan para sa mas abot-kayang credit.

Nagsimula na ang beneficiaries na kumuha ng loan na nag-uumpisa sa P10,000 hanggang P20,000. Naghanda na ang SB Corp. ng P50 million na pautang para sa Marawi.

Ang financial assistance sa mga negosyante ng Marawi ay sumunod sa Administrative Order No. 03, na lumikha ng inter-agency task force para sa pagba­ngon, reconstruction, at rehabilitasyon ng Marawi City at ibang apektadong lugar.