MGA NEGOSYANTE SA PASAY PINAG-IINGAT SA BOGUS INSPECTOR

emi calixto rubiano

PINAALALAHANAN ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga business establishment  sa lungsod na i-report ang mga indibidwal na nagsasagawa ng hindi awto­risadong inspeksiyon sa kanilang mga negosyo.

Ito ang mariing sinabi ni Calixto-Rubiano matapos makatanggap ang kanyang opisina ng mga reklamo na mismong nanggaling sa mga negosyante na may mga nagpupunta sa kanilang mga puwesto na nagpapakilalang mga tauhan ng lokal na pamahalaan at hinahanapan sila ng mga dokumento na may kaugnayan sa kanilang negosyo.

Paliwanag ng alkalde, wala siyang inuutos na ins­peksiyon maliban na lamang kung mayroon itong bitbit na order na kanyang pinirmahan.

Ayon kay Calixto-Rubiano, noong Enero 6 ay naglabas siya ng Executive Order (EO) na bumubuo ng isang grupo ng Inspection and Compliance Report (ICR) na magsasagawa ng assessment at inspeksyon sa establishments sa lungsod.

Kinabibilangan ito mismo ni Calixto-Rubiano at mga kinatawan ng Ma­yor’s Office, Business Permits and Licensing Office (BPLO), City Treasurer, City Assessor, City Legal Officer, City Engineer, City Health Office (CHO), City Environment and Natural Resources Office (CENRO), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO)at ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Iginiit pa nito, ang mga miyembro ng nasabing grupo  ay magsasama-sama sa pag-iinspeksiyon ng mga business establishment at walang papayagang indibidwal na inspeksiyon.

Kaya’t pinayuhan ni Calixto-Rubiano ang mga negosyante na kung sakaling may magtungo sa kanilang mga establisimiyento at magpakilalang mga taga- city hall na magsasagawa ng inspeksyon ay agad na tumawag sa Office of the City Administrator sa 8833-3734 / 8833-3738 o humingi ng assistance at tumawag sa lokal na pulisya sa telepono bilang 8831-7433 / 8831-7322.  MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.