MGA NEGOSYO PAUTANGIN PARA MAKABAYAD NG ‘13TH MONTH’ SA EMPLOYEES

13th MONTH PAY

IMINUNGKAHI  ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na pautangin ng pamahalaan ang mga kompanyang pinadapa ng Covid-19 pandemic, sa “mababang tubo at higit na mahabang panahon ng pagbabayad” upang maibigay sa mga empleyado nila ang kanilang pang-13 buwang sahod na iniaatas ng batas.

Ang panukala ni Salceda ay nakapaloob sa ‘aide memoire’ na ipinadala niya sa pamunuan ng Kamara, matapos mapabalitang pinag-aaralan  ng Department of Labor (DOLE) na hayaan ang ilang kompanya na huwag magbayad ng naturang obligasyong sa mga manggagawa.

“Hindi kami naniniwalang makakabuti ito sa ekonomiya. Kahit ikinakatwiran ng DOLE na hinahayaan ito sa ‘implementing rules and regulations’ ng PD 851, naniniwala kaming lilikha ito ng kontrobersiyang legal at ‘constitutional’ dahil taliwas ito sa isinasaad at intensiyon ng batas, bagama’t maaaring hayaan ang hindi pagbabayad ng naturang benepisyo sa matataas na pinuno ng mga kompanyang pinadapa ng pandemya” pahayag ng mambabatas.

Idinagdag ni Salceda na chairman ng House Ways and Means Committee at at co-chair ng Economic Stimulus and Recovery Cluster-Defeat COVID-19 Committee, na dahil bahagi ng ‘direct labor costs’ ang mga benepisyo ng mga manggagawa, mababawas ito sa binabayarang buwis sa kita ng mga kompanya.

Kung mawalan man ang kompanya dahil sa pasahod, may laang pang-tatlo hanggang panlimang taong pantakip dito ang gobyerno sa ilalim ng ‘Bayanihan to Recover as One Act’ na ang ibig sabihin ay may ‘direct tax benefit’ na ang mga kompanya, dagdag niya.

“Ang hindi pagbayad ng ‘13th month pay’ ay magbubunga rin ng kawalang impok ng maraming pamilya na ayon sa huling  ‘Family Income and Expenditure Survey (FIES) ay 60% lamang sa kanila ang nakapag-iimpok ng P30,000 lamang sa loob ng isang taon, kaya lalong hihina ang pagsulong ng ekonomiya,” puna niya.

Sinabi ni Salceda na impormal siyang nakikipag-ugnayan sa DOF at DTI na bumalangkas sila ng mga programa kung saan  matulungan ng saklaw nilang mga ahensiya sa pananalapi ang mga kompanya upang makatugon sila sa obligasyon nilang ’13 month pay’ sa kanilang mga empleyado, at sa DOLE upang limitahan lamang sa matataas ng pinuno ng mga kompanya ang hindi pagbibigay ng naturang benepisyo.

“Napupunta lamang sa mga pangunahing pangangailangan ang kanilang kita ng mga manggagawa. Malaki ang epekto sa ekonomiya ang hindi nila pagbili ng kanilang mga kailangan dulot ng kabawasan sa kinilang kita. Pansamantalang krisis lamang ito at ang anumang kabawasan sa kita nila ay lalong magpapalala lamang sa bumababang tiwala sa merkado,” dagdag ni Salceda na isang kilalang ekonomista.

Sa report ng isang pag-aaral na magkasamang ipinatupad ng World Bank, Department of Finance at National Economic Development Authority, sinabing bumaba ang benta ng 64% ng mga negosyo sa pagitan ng Abril at Hulyo ngayong taon at 89% ng mga kompanya ay patuloy na nalulugi. Bukod pa ito sa 65% pagkaluging naranasan noong Pebrero kung kailan 75% ng mga kompanya ang bumulusok ang kita.

Comments are closed.