Mga nilalang ng liwanag at dilim Mitolohiya ng Katagalugan

Nenet L. Villafania

BAGO  pa dumating sa bansa ang mga mananakop na Kastila upang palaganapin ang Kristiyanismo, may mga sinasamba ng diyos at diyosa ang mga Pilipino. Bukod sa mga anitong inaalayan ng mga inaning gulay at prutas at mga alagang hayop na niluluto o sinusunog sa altar, sumasamba rin sila sa mga nilalang na hindi nakikita.

Bawat kilos at galaw ng mga Pilipino ay naaayon sa mga kaganapan sa paligid. Iginagalang nila ang hangin, ang araw, ang mga halaman at hayop, ang ilog at dagat, maging ang mga insekto. Binibigyang dangal nila ang mga namayapang ninuno sa paniniwalang kasama na sila ng mga diyoses na naninirahan sa kubling bahagi ng pinakamasusukal na kagubatan at pinakamatataas na bundok. Naniniwala rin silang sa ibabaw ng ulap ay may natatagong kahariang hindi abot ng karaniwang mata ng tao. Bawat pagpapasiya nila ay isinasangguni sa mga sinaunang Diyos at Diyosa upang humingi ng patnubay, pananda, at tulong.

Malaking bahagi ito ng sinaunang kulturang Pilipino, kung saan hinalaw ang ang mga kwentong nagpasalin-salin sa mga bibig ng bawat tao, mula pa noon hanggang sa kasalukuyang panahon.

Napakaraming katatakutang puno ng hiwaga ang bumabalot sa ating mga kwento. Sadyang bahagi ito ng ating tradisyon at kultura. Sa katotohanan, hindi lamang oyayi ang pampatulog kay bunso ng mga ina, kundi maging mga kwentong katatakutang kung minsan ay imbento lamang nila. Halimbawa na lamang ay ang aking ina. Inimbento niya ang tigmaok, isang halimaw na nagtatago sa dilim at nag-aabang sa pagdungaw ng bata sa bintana kung malalim na ang gabi, o sa mga batang naglalaro sa kabilugan ng buwan sa lansangan. Sa isang batang walang malay, mahirap paghiwalayin ang imahinasyon at katotohanan, lalo pa kung ang kwento ay nagmula sa taong lubos mong pinagkakatiwalaan – ang iyong ina. Sa napakahabang panahon, kahit pa noong alam ko nang imbento lamang niya ang tigmaok, ay nanatili akong takot sa mga madidilim na lugar. Alam kong walang tigmaok, ngunit sa aking isipan ay nakintal ang takot. Kung hindi man tigmaok, maaaring may iba pang hindi nakikitang nilaang na nagtatago sa dilim. Takot din ako sa maiitim at matatangkad na tao, maging sa mga pusang itim, o anumang may kinalaman sa kulay itim, lalo na kung pusikit ang karimlan. Kung kabilugan naman ng buwan, kinatatakutan ko rin noon ang mga maligno tulad ng manananggal, aswang, kapre, tikbalang at iba pang nagdiriwang umano sa ilalim ng malamlam na liwanag ng buwan.

Nawala lamang ang lahat ng pangamba nang matutuhan kong makipaglaro sa kadiliman gamit ang aking mayamang imahinasyon. Hindi ito madali. Unti-unti, dahan-dahan, hanggang dumating ang panahong kaya ko nang magsulat ng katatakutan. Sa katotohanan, hindi mahalaga kung takot ka sa dilim. Ang maalaga ay kung magagawa mong magliwanag sa gitna ng kadiliman. Ilang dekadang binalot ang aking katauhan ng takot sa dilim, at sinikap kong makawala. Ngayon, ako mismo ang magsisilbing liwanag upang matapos na ang kadiliman sa aking puso at sa puso ng iba. Magsisilbi akong ilaw upang ilahad ang mga katotohanan. Kalimutan muna natin ang tigmaok dahil may iba akong kwento tungkol diyan.

Halina kayo at samahan ako sa pagbubukas ng mga lihim na pintuan. Alamin ang lihim na bumabalot sa bawat silid, at kilalanin ang mga nilalang na nananahan dito. Sumama kayo upang saksihan ang mga kagila-gilalas na kwento hinggil sa mga diyoses at anitong sinamba ng mga sinaunang Filipino.

Paalala: ang ilan sa mga kwento sa kathang ito ay nagpasalin-salin sa bibig ng mga nagdaang henerasyon. Walang patunay kung ang mga ito ay pawang kathang isip lamang o totoong nangyari sa tunay a buhay. Gayunman, kinalap ito at pinaganda upang maging basehan lamang. Maaaring ang ibang kwento ay nabasa na ninyo, at maaari namang hindi pa, ngunit ang lahat ng ito ay base sa paniniwala ng mga sinaunang Filipino bago pa dumating sa bansa ang mga Kastila. Ang mga Filipino ay dugong maharlika, na may sariling paniniwala, politika, komunidad at edukasyon.

Ipagmalaki mong isa kang Filipino na may dugong bughaw, kayumangging kaligatan ang balat at may talino at gandang maihahanay sa sinumang nilalang na nabubuhay ngayon sa mundo. Hindi natin utang sa mga Kastila at Amerikano ang ating kulturisasyon. Manapa’y pilit nilang binura ang ating kultura at iginiit na mas maganda ang kanila. Ang nais ko lamang sabihin ay hindi tayo mangmang. Manapa’y may talino tayong maaaring higit pa sa kanila.