Nenet L. Villafania
SINABI ng mga iskolar na ang makalumang Batangueño, tulad ng iba pang Tribo ng mga Tagalog, ay sumasamba sa Makapangyarihang Manlilikha na si Bathala. Sumasamba rin sila kina Mayari, Dyosa ng Buwan at ang kanyang kapatid na si Apolake na Diyos ng Araw. At kahit pa hindi tayo masyadong metikuloso sa mga alamat o mitolohiya, ang hangin mula sa Hilagang Silangan ay tinatawag pa ring Amihan, at ag hanging mula sa Timog-Silangan ay tinatawag na Habagat.
Sa Panitikan, nakilala si Padre Vicente Garcia nang sumulat siya ng sanaysay na dumidepensa sa Noli Me Tangere ni José Rizal.
Noong 2004, iginawad ng lalawigan ng Batangas ang ‘Dangal ng Batangas Award’ sa anak nitong si Domingo Landicho dahil sa pagiging ‘Peoples’ Poet’. Siya, kasama si Ambassador Lauro Baja, dating Executive secretary Renato de Villa, dating Executive Secretary Eduardo Ermita, Supreme Court Justice Renato Corona, at Transport Secretary Leandro Mendoza ay nakatanggap ng parangal sa isang seremonya na nagbigay-diin sa pagdiriwang ng ika-423 taon ng pagkatatag sa Batangas.
Sa panahon ni Datu Kumintang, anito pa rin ang sinasamba ng mga Tagalog. Bawat lawa, ilog, dagat, halaman at puno ay may nakatalagang diyoses at anito. Ang mga anito ay kinukunsidera ng mga Tagalog na hagdan sa mabubuti o masasamang Espiritu, maging sa kaluluwa ng mga namatay na tao. Itinuturing din ang mga anito na kaluluwa ng mga namayapang ninuno, Espiritu ng kalikasan, mga diyoses ng mga katutubong relihiyon sa Pilipinas mula noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan, kahit maaaring may ibang ibig sabihin at asosasyon ang terminong ito, depende sa pangkat etnikong Pilipino.
Karaniwang gawa sa kahoy ang mga anito. Karaniwan nang merong anito para sa masaganang ani, para sa mga sakit, para sa tagumpay sa labanan, panalangin para sa mga patay, o mga pagpapala. Bawat pangkat etniko ay may kani-kanyang rebulto ng diwata at mga ritwal na nauugnay sa kanila, bagaman kung minsan ang mga diyos ay ibinabahagi sa mga kalapit na pangkat etniko.
Lahat ng paniniwalang Filipino noong unang panahon ay nakabase sa ideya ng mga nilalang na supernatural na tinatawag na anito, o kung minsan, diwata. At syempre, hindi dapat kalimutan si Bakunawa, ang higanteng ahas na may ulo ng dragon sa mitolohiyang Filipino. Pinaniniwalaang siya ang nagiging sanhi ng eklipse, lindol, bagyo, at buhawi. Ang mga galaw ni Bakunawa ang nagiging sukatan ng kalendaryo ng mga sinaunang Filipino at bahagi ng ritwal ng mga shaman at babaylan.
At huwag ding kalilimutan si Bulul Tinagtaggu, na diyos ng palay. Inukit siyang mukhang tao at ayon sa paniniwala, kaya niyang makisalamuha sa mga tao.
Kadalasang inilalagay ang rebulto ni Bulul sa mga imbakan ng palay upng bantayan ito, at kadalasan din ay lagi silang magkapartner.