MGA OFW MULA SA CYPRUS

MASAlamin

INIUWI na ang mga bangkay ng dalawa sa tatlong overseas Filipino workers na biktima ng serye ng mga pagpatay sa bansang Cyprus. Ang isang bangkay ay naiwan pa roon samantalang ang bangkay ng isang 6-anyos na bata na pinatay kasama ang kanyang ina ay dinala naman sa bansang Roma-nia sa piling ng kanyang ama.

Trahedya para sa Fi­lipinas ang ganitong mga pangyayari, nang dahil lamang sa kagustuhang maiangat ang pamilya sa paghihirap ay pikit-matang nangarap na makasumpong ng pagkakakitaan sa ibayong dagat.

Tinatantiyang nasa 10 milyon ang overseas Filipino workers sa buong daigdig, kasama na riyan ang mga undocumented, ibig sabihin ay 10% ng populasyon ng Filipinas ay pawang mga nangagkalat at nalayo sa kani-kanilang mga mahal sa buhay.

Hindi kukulangin sa P20 bilyon kada buwan ang remittances ng mga OFW na malaki ang kontribusyon sa paggalaw ng ating pambansang ekonomiya, kapalit ang mga nangangawasak na pamilya, mga anak na nalululong sa barkada at droga, bumabagsak na moralidad at naliligaw na kaisipan ng mga bagong henerasyon.

Ganyan kalupit ang kasaysayan ng Filipinas, dahil sa kagustuhang mabigyan ng laban sa buhay ang kani-kanilang pamilya sa gitna ng matinding ka-hirapan at kawalan ng masumpu­ngang pag-asa sa bansa, isinusugal ang buhay at pamilya sa pagbabakasakali sa ibayong dagat.

Ang mga Filipino ang pinaka-cosmopolitan na nasyon sa buong daigdig. Nangagkalat ang mga kapwa Pinoy kahit sa Estados Unidos o Saudi Ara-bia man hanggang sa mga maliliit na isla sa Micronesia.

Walang parte ng daigdig na walang Filipinong naghahanapbuhay sa mga iyon. Dahil sa salat ang bansang sagana dapat. Sagana sa buhay ang mga lupain, kagubatan, kabundukan, karagatan at mga ilog ngunit pinakikinaba­ngan lamang ng iilan, ng oligarkiya na patuloy na dumarambong sa kaya-manan ng bansa at humahagupit sa mga ina­aliping Filipino.

Walang masumpungang benepisyo at magandang serbisyo sa kabila ng trilyon-tril­yong pisong pambansang taunang budget ng pamahalaan. Pinanati­ling dukha ang Filipino ng oligarkiya na sumisimsim sa yaman ng mga lupain, kung saan ang batas at pagpapatupad ng mga ito ay nakakiling sa mga mayroong yaman at yumayapak sa mga mahihirap.

Kailangan ng mga Filipino ng isang rebolusyon sa pag-iisip at pag-unawa na ang bansa ay kanila at ang lahat ng yaman niyon. Na ang Filipinas ay mana nila mula sa kanilang mga ninuno. Na ang Filipinas ay ang bukod tanging bahagi nila sa daigdig. Na ang gobyerno ay kanila, na nilikha nila upang pagsilbihan sila, sa kanilang mga hangarin at mithiin.

Comments are closed.