MGA OPISYAL NG BARANGAY SA BULACAN KUMILOS KONTRA  DROGA

droga

MALOLOS  CITY– KAISA sa anti-illegal drug campaign ng bansa, halos 1,700 na miyembro ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) at mga opisyal ng barangay mula sa 569 na barangay sa Bulacan ang nakiisa sa forum na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na tinawag na Barangay Dialogue Year II: Drug Clearing sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center, Biyernes ng hapon.

Tinalakay sa aktibidad na isinagawa sa pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government, Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police ang paksa tungkol sa Barangay Drug Clearing Program.

Ayon kay Col. Chito G. Bersaluna, director ng Bulacan Police Provincial Office, layunin ng programa na tulungan ang bawat barangay na maging drug-free.

“Mayroon na po tayong na-clear na 106 barangay. Sana po bago po matapos ang taon, target po namin ng mga kapulisan ng Bulacan at katuwang ang ating PDEA, na ito po ay madoble pa. Hindi po tayo titigil hangga’t hindi natin ito nakakamtan. Isa itong malaking hamon pero kayang-kaya,” ani Bersaluna.

Binigyang diin din ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng tungkulin ng mga miyembro ng BADAC sa pagpapatupad ng kanilang natutunan sa forum.

“The barangay is the first line of defense. Kayo po ang multipliers sa ating national anti-drug campaign na magsisimula sa grassroots level.  Wala tayong magiging katagumpayan kung hindi natin maiaayos ang problema ng ilegal na droga sa ating nasasakupan,” anang gobernador.

Samantala, tiniyak naman ni Investigation Agent Sharon I. Ominga, Provincial Officer ng Philippine Drugs Enforcement Agency-Bulacan, na malugod silang tutulong sa mga miyembro ng BADAC sa pagpapatupad ng kanilang mga programa sa hinaharap kontra sa paggamit ng ilegal na droga.

“Ako’y natutuwa dahil napaka-supportive ng ating mga BADAC. Sana nga sa mga na-lecture natin kanina ay maitatak nila sa kanilang isip na ‘yun ‘yung dapat gawin. We are here together with the PNP to assist kung ano man ang plano nila sa barangay nila,” ani Ominga.

Dagdag pa rito, pinuri ni Zenaida Magpayo, isang opisyal mula sa Brgy. Caliligawan, Lungsod ng Malolos, ang programa at nangako ding gagawin ang kanyang bahagi.

“Maganda po na nagkakaroon ang kapitolyo ng mga ganitong pagpupulong. Alam naman po natin na napapanahon ang ganitong isyu at bilang isang opisyal sa aming barangay, responsibilidad po namin na panatilihin ang kapayapaan sa aming lugar kaya po ‘yung mga natutunan namin dito, makakaasa po kayo na ibabahagi namin sa aming mga ka-barangay,” aniya.

Bago ito, nakiisa din ang mga kabataang lider mula sa lalawigan sa nationwide anti-illegal drug campaign noong Lunes sa ginanap na Youth Symposium: A Campaign Against Illegal Drugs kung saan inanunsiyo ni Fernando ang isang bagong proyekto na tinawag na BUCAA (Bulacan Universities Collegiate Athletic Association) na kanyang pinaniniwalaang makatutulong sa promosyon laban sa paggamit ng ilegal na droga. MARIVIC RAGUDOS