SA UTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin sa katiwalian ang Bureau of Internal Revenue, binalasa ni BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay ang mga key official nito at nagbabala na ang sinumang mapatutunayang sangkot sa anumang korupsiyon ay agad sisibakin sa puwesto.
Una nang sinimulan ni Bureau of Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, sa direktiba rin ni Presidente Duterte, ang pagsibak sa puwesto, pagsasampa ng kaso sa korte at pagsuspinde sa mga opisyal at kawani ng Aduana na sangkot sa katiwalian gaya ng ‘smuggling activities’.
Panawagan ni Commissioner Dulay na maaaring rumekta sa kanya ang sinumang taxpaying public na may reklamo laban sa mga opisyal o kawani ng Kawanihan bilang bahagi ng imbestigasyon ng Duterte administration sa mga korap na opisyal, hindi lamang sa BIR at BOC, kundi sa iba pang ahensiya ng gobyerno.
Sa isang Revenue Travel Assignment Order (RTAO) na inisyu ni Commissioner Dulay at aprubado ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III, ninombrahan si CabaMiro BIR Regional Director Gerry D. Dumayas bilang bagong director sa BIR No. 5 Caloocan City matapos na magretiro si Director Grace Javier.
Itinalaga naman bilang mga bagong BIR regional directors sina Florante R. Aninag sa CabaMiro RR No. 5; Esmeralda Tabule sa RR No. 16 Cagayan De Oro; Thelma S. Milabao sa RR No. 3 Tuguegarao, Cagayan; Josephine Virtucio sa RR No. 1 Calasiao, Pangasinan; Mahinardo ‘Bobby’ Mailig sa RR No. 11 Iloilo City; at mga bagong assistant BIR regional directors naman sina Rodrigo L. Rivamonrte (Caloocan City), V. C. Cabangen (Calasiao, Pangasinan), Christine Juliet Chua (Iloilo City), Emir L. Abutazil (Sount-NCR, BIR-Makati-B), Dondanon A. Galera (Cagayan De Oro City), Fely C. Simon (CAR-Baguio City) at Analynsia C. Alarde bilang chief ng RLTAD ng Large Taxpayers Service.
Pinarangalan naman bilang ‘Top Revenue District Officer’ si Valenzuela RDO Rufo B. Ranario matapos na sunod-sunod na maka-goal mula buwan ng Enero hanggang Nobyembre na umani ng ekselenteng tax collection performance sa kabila ng pananalasa ng COVID-19 pandemic.
Nagawa ni RDO Ranario ang pambihirang tax collection performance sa pagnanais ni Commissioner Dulay na suyurin nito ang mga business establishment na hinihinalang nandaraya sa pagbabayad ng buwis at yaong mga delinquent taxpayer na hindi tumutupad sa kanilang tax obligations.
Sa balasahan sa BOC, sinabi ni Commissioner Guerrero na agad niyang tinugunan ang kautusan ni Pangulong Duterte na linisin ang Aduana sa katiwalian bilang koordinasyon sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na siyang nangunguna sa ongoing investigation sa korupsiyon sa sangay ng gobyerno.
Tulad ni Commissioner Dulay, may panawagan din sa taxpaying public si Commissioner Guerrero na tulungan siyang masugpo ang korupsiyon sa kanyang tanggapan sa pamamagitan ng pakikipag-coordinate sa kanya at isumbong nang personal ang sinumang opisyal at kawani ng Aduana upang mapadaling masibak sa puwesto, masuspinde at makasuhan sa korte.
Ang pinakahuling balasahan sa BOC at BIR ay sinasabing unang yugto pa lamang ng serye ng major revamp sa nasabing tanggapan at kapwa umaasa ang pamunuan ng Aduana at Kawanihan na marami pang ulong gugulong sa totohanang paglilinis sa nasabing mga tanggapan.
Sa BIR ay inaasahang marami pang revenue regional directors at revenue district officers ang masisibak, malilipat sa ibang puwesto, malalagay sa freezing capacity, masuspinde o makasuhan kung ang mga ito’y magpapabaya sa tungkulin, at sa pagbagsak ng koleksiyon at pagiging non-performer.
Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected]).
Comments are closed.