TATLONG araw na lamang ay araw na ng botohan. Ihanda natin ang listahan ng ating mga iboboto, at ihanda natin ang ating sarili para sa napakahalagang araw na ito. Narito ang ilan pang mga paalala para sa lahat ng mga magsisipagboto sa Lunes, ika-9 ng Mayo.
Dalhin po natin ang ating vaccination card, magsuot ng mask, at magdala na rin ng face shield, kung sakaling hanapan tayo nito. Mainam na rin na magdala ng tubig na inumin, pamaypay, payong o sumbrero, at face towel para tayo ay handa kung sakaling mahaba ang pila at mainit ang panahon.
May pen na ipapagamit para sa pagshe-shade ng balota, kaya’t hindi na kailangang magdala ng ballpen.
Tandaan natin, mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha ng litrato ng inyong balota na mayroon nang shade at ang pagpapakita nito sa ibang tao o pagpo-post nitong litrato sa social media.
Huwag din po tayong magsuot o magdala ng anumang bagay na nagtataglay ng pangalan o simbolo ng sinumang kandidato. Kasama na riyan ang sumbrero, t-shirt, baller ID, pamaypay, bag, tuwalya, face mask, at iba pang bagay. Maaari pong makasuhan ang sinumang gagawa nito.
Bago i-shade ang balota, i-check mabuti kung may punit ito o kung may shade na ito o kung mali ang nakasulat sa balota. Kung may duda, humingi ng bagong balota. Kapag nakaboto na, i-check ulit ang resibo kung tama ang pagkakabasa ng machine sa inyong balota. Kung may mali, ireklamo agad ito.
Spoiled ballot kung higit sa 12 senador ang iyong ilalagay. Ngunit maaaring bumoto ng mas kaunti sa 12 senador.
Mag-ingat po tayong mabuti sa ating pagboto. Nawa ay pagpalain ng Maykapal ang sambayanang Pilipino at ang ating bansa sa araw ng halalan at sa darating pang panahon. Magandang bukas nawa ang naghihintay para sa ating lahat.