MGA PAARALAN HINDI TITIKTIKAN NG PNP – ALBAYALDE

CAMP CRAME – PINAWI  ng Philippine National Police (PNP) ang pangamba ng mga guro at mag-aaral ng 19 kolehiyo at unibersidad na hindi nila isasailalim ang mga ito sa surveillance.

Kasunod ito ng pagtukoy ng Armed Forces of the Philippines (AFP)  na recruitment ground ng New People’s Army (NPA) ang karamihan sa mga paaralan sa Metro Manila.

Ayon kay PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde, direktang makikipag-ugnayan ang PNP sa mga pamunuan ng mga naturang paaralan upang malaman kung ano ang maaaring maitulong sa kanila para hadlangan ang recruitment activities ng NPA kung mayroon man.

Subalit, hindi aniya ibig sabihin nito na babantayan ng PNP ang mga estudyante, bagkus, magiging available lang ang mga pulis para linawin ang anumang mga katanungan ng mga mag-aaral.

Kung ayaw aniyang makipagtulungan ng mga pamunuan ng mga paaralan, wala naman silang magagawa.

Una nang inamin ng PNP chief na may natanggap silang intelligence report kaugnay sa ginagawang paghimok ng ilang mga professor sa kanilang mga estudyante para lu­maban sa gobyerno.

Sa panayam kay PNP chief, sinabi nito na ang impormasyong nakara­ting sa kanila ay tinuturuan mismo ng ilang propesor ang mga estudyante kung papaano lumaban sa gob­yerno.

Pinayuhan din ni PNP chief ang mga magulang na palagiang i-monitor ang mga anak para maiwasang mabiktima ng recruitment ng makakaliwang grupo.

Dahil dito, naniniwala si Albayalde na panahon para magkaroon ng direct intervention ang PNP sa mga eskuwelahan para labanan ang ginagawang paglilinlang ng NPA sa mga estudyante.  EUNICE C.

Comments are closed.