Sabi nila, almusal ang dapat na pinakamaraming kainin sa maghapon. Of course naman. Ang mga Pinoy kasi, kakaiba ang gusto. Heto po ang mga paborito nilang almusal.
Silog
Mula nang mauso ang silog, naging paborito na ito ng mga Filipino – kahit hindi sa almusal. Sa umaga, ito talaga ang nasa top. Coined word ito mula sa sinangag, at itlog. Pag sinabing Silog, may fried rice o kaning lamig na pinrito sa bawang at mantika, may sunny side-up na itlog at minsan, may kasama ring tapa o tocino o longganiza o kaya naman ay hotdog o kahit anong gusto ninyo. Sa side meals, merong atchara o sariwang kamatis na may konting asin. Depende sa kung ano ang kasama ng silog, yun ang itatawag dito. Halimbawa, tapa ang main viand, tapsilog ang tawag dito. Kung hotdog naman, hotsilog at iba pa.
Pandesal
Sa Pilipinas lamang may pandesal, at ito na yata ang pinakapopular na tinapay sa bansa. Madaling araw pa lamang, maaamoy na ang mabangong pandesal, na pagsapit ng 8 am, ubos na. Masarap kainin ang pandesal kung maiinit pa, lalo na kung hihigop ka ng mainit na kape o tsokolate. Pwede rin itong lagyan ng palaman – kahit ano – pritong itlog, margarine, matamis na bao, keso o kahit ano ppang gusto mo.
Champorado
Mahilig ang Pinoy sa matamis, kaya hindi kataka-takang magustuhan natin ang champorado. Ito yung malagkit rice na ginawang lugaw at nilagyan ng tsokolate, gatas at asukal. Sa family namin, sa halip na gatas, gumagamit kami ng gata ng niyog para mas masarap. Pinakukuluan ang malagkit na bigas sa gata ng niyog at kapag malambot na, saka lalagyan ng sweet chocolate at asukal. Pwede nang hindi lagyan ng gatas pero mas masarap kung may evaporated milk. Lalo pang mas masarap kung may kaulam na pritong tuyo o danggit.
Torta
Kung may tirang giniling sa ref, may talong o sardinas plus meron ding itlog, wow, talo-talo na. May masarap nang ulam sa almusal. Pwedeng tortang giniling, tortang talong, tortang sardinas o tortang dulong.
Arroz Caldo
Hindi lang pang-almusal ang Arroz Caldo, pambertdey din. Pwede ring meryenda at kung nagda-diet ka, hapunan na rin. Ito yung lugaw na may halong onion leaves, nilagang itlog at manok, tapos, lalagyan ng katas ng calamansi. Sarappp!
Daing na Bangus
Sarap kumain ng mainit na kanin sa umaga na ang ulam ay daing na bangus, na may sawsawang sukang puti na may sili at bawang, tapos, may mainit ka ring kape o tsokolate o kaya naman, mainit na gatas ng kalabaw. Yung daing na bangus, ibinabad muna sa suka at bawang, tapos, pinrito sa mantika hanggang lumutong. Mas masarap kung may kasamang kamatis na may asin.
Tuyo
Pag sinabing tuyo, syempre hindi basa. Ito yung salty dried fish na binilad sa araw (sundried). Medyo mabaho pero napakasarap isawsaw sa sukang may bawang. Sabi nila, pangmahirap lang ang tuyo, pero sa totoo lang, maraming may gusto dito lalo na sa almusal.
Taho
Ito yung inaabangan ko tuwing umaga sa labas ng bahay namin noong bata pa ako. Kapag may sumigaw na ng tahoooo! nag-uunahan nang lumapit ang mga mamimili. Kaya lang, kadalasan, 5 am hanggang 7:30 am lang ito. Kapag nakalampas na si Manong Taho (kadalasang tawag sa taho vendors), minsan, kailangan mo siyang habulin para lamang makabili. Sobrang sarap kasi. Minsan, nasasalubong namin siya sa pagpasok sa iskwelahan kaya kinakain ko ito hanggang makarating sa gate ng school.
Puto Bumbong
Hindi lang sa Simbang Gabi mabibili ang puto bumbong. Pwede ring almusal. Masarap ito lalo na kapag ginutom ka sa madaling araw, pero mas gusto ko ang bibingka.
Masasabing ang almusal ng Pinoy ay hindi lamang masarap kundi masustansya rin. – SHANIA KATRINA MARTIN