SA unti-unting pagbangon ng mundo nang dahil sa pandemya, unti-unti ring nagbubukas ang mga hanapbuhay. Maraming kompanya ang nagkukumahog na makabawi at mapunan ang mga nabakanteng posisyon. Kahit na maraming manggagawa ang nagnanais na mabawi rin ang nawalang kita sa loob ng halos dalawang taon, marami sa kanila ay ayaw nang bumalik pa sa sitwasyon ng paggawa noong bago mag-pandemya.
Halimbawa, mas pinipili na nila ngayon ang mga hanapbuhay na puwedeng gawin mula sa kanilang bahay. May mga industriya o sektor din na mas pinapaboran ngayon, kagaya ng civil engineering, IT, media and communications, at software development. Hindi gaanong interesado ang ilang mga empleyado sa mga trabahong hindi puwedeng gawin sa labas ng opisina. Ang mga halimbawa naman nito ay childcare, food preparation, mga hanapbuhay sa service sector, warehousing, at iba pa. Ang mga impormasyong ito ay base sa datos ng job site na Indeed.
Kahit na maraming trabaho ang hindi nga naman talaga puwedeng gawin sa labas ng opisina o lugar ng hanapbuhay, pinatunayan pa rin ng pandemya sa lahat na sa maraming pagkakataon, hindi apektado ang productivity kahit na sa labas ng opisina magtatrabaho ang mga empleyado. Hindi rin naman ibig sabihin nito na lubos ang kasiyahan ng mga manggagawa sa kanilang pagtatrabaho mula sa tahanan. Naging malabo ang linyang naghihiwalay sa buhay sa bahay at buhay sa opisina. Maraming manggagawa ang dumaranas ng mental health problems kagaya ng burnout, stress, depression, at anxiety.
Lahat ng ito ay hamon sa mga organisasyon o kompanya na siyang dapat mag-isip ng mga solusyon upang mapanatili ang kanilang mga manggagawa at masuportahan din ang kanilang kalusugan.
Para sa mga kompanyang walang ideya kung paano gagawin ito, may mensahe ang mga batang manggagawa mismo. Ang komunidad ng Young Global Leaders ng World Economic Forum ay may iminumungkahing mga hakbang na maaaring isagawa ng mga organisasyon upang makalikha sila ng mas positibong sitwasyon at kalagayan sa lugar ng hanapbuhay.
(Itutuloy…)