MGA PAGBABAGO SA KALAGAYAN NG HANAPBUHAY

(Pagpapatuloy…)
Ipagpatuloy natin sa kolum na ito ang mga suhestiyon ng komunidad ng Young Global Leaders ng World Economic Forum para sa mga organisasyon, employer, negosyante upang mahikayat ang kanilang mga manggagawa na manatili sa pwesto at matugunan ang kanilang mga pangangailangan, kagaya ng kalusugan ng isip at katawan.

Nakakatulong umano ang mga employer sa kanilang mga manggagawa kung patuloy nilang papayagan ang flexible work setup kahit na matapos na itong pandemya, kasama rito ang remote working, work-from-home setup, at hybrid o flexible work setup. May benepisyo ito lalo na sa mga kababaihan, single parents, mga empleyadong may mental health issues, at iba pang mga manggagawa.

Pwede rin silang magtatag ng epektibong sistema para sa pagtanggap at pagsagot sa mga hinaing o komento hindi lamang mula sa mga manggagawa, kundi pati na rin mula sa ibang stakeholder kagaya ng mga kliyente, shareholder, miyembro ng lipunan o publiko, at sa pamahalaan mismo.

Nabanggit din ng mga batang lider na dapat tratuhin bilang katuwang o partner ang mga empleyado sa pagbangong muli ng isang organisasyon.

Ang mga pinunong magiging matagumpay sa new normal, ayon sa mga batang lider, ay yaong may tapang na bigyang halaga ang proseso at hindi lamang ang resulta, at yaong nagpapahalaga o rumerespeto sa mga manggagawa.

Kagaya ng pagharap sa mga pagbabagong dala ng COVID-19, ang mga pinuno na mabilis na nakakapag-adjust sa mga pagbabago ay siyang magiging matagumpay sa bagong mundo pagkatapos nitong pandemya. Ang pagbabago ay isang oportunidad upang tayo ay umunlad at matuto ng bagong kaalaman upang mabuhay.