MASARAP nga naman ang kumain. Ang hirap din kasing pigilin ng sarili lalo na kung masasarap ang pagkaing nasa ating harapan. Kung minsan din, habang pinagbabawalan natin ang ating sarili, mas lalo lang tayong natatakam.
Habang bata pa tayo, madalas nating pinagbibigyan ang ating sarili sa lahat ng maibigan nito gaya na nga lang ng walang pakundangang pagkain. Inisip natin, bata pa naman kasi kaya puwede pang kainin ang lahat ng klase ng pagkain nang hindi nababahala.
Masarap man ang kumain, ngunit kailangang maging maingat tayo sa ating kinahihiligan. Hindi tamang idahilan natin ang edad o pagiging bata para kumain ng litson, sisig, matatamis na dessert at kung ano-ano pa. Sabihin mang bata pa tayo, ang lahat ng ginagawa natin ay may kapalit sa ating pagtanda. Nangangahulugan lang na kailangang mag-ingat tayo sa ating kinakain—bata pa man o matanda na tayo.
At habang nagkakaedad din tayo, mas lalo tayong kailangang mag-ingat sa ating kinakain. Hindi lahat ng kinahihiligan nating pagkain, mabuti sa katawan. Marami riyan na ang buong akala natin ay healthy pero nakasasama pala.
Kaya kung pawala na ang edad mo sa kalendaryo, narito ang ilang mga pagkaing dapat mong iwasan:
PAGKAING MAY ARTIFICIAL SWEETENERS
Kapag namimili tayo ng pagkain o pang merienda, madalas na sugar-free ang pinipili natin. Akala kasi natin, mas healthy ito kumpara sa ibang pagkain. Pero dahil tumatanda o nagkakaedad na tayo, kailangang maging mapagmatiyag tayo sa ating mga kinakain.
At isa nga sa nararapat lang nating iwasan ay ang mga pagkaing may artificial sweeteners. Ang pag-iwas sa mga artificial sweeteners o mga sugar-free snacks ay makatutulong upang mag-work ng maayos ang ating vital organ.
ICED COFFEE
Napakarami sa atin ang mahihilig sa iced coffee lalo na kapag tumatagaktak ang ating pawis. Ito nga naman ang karamay natin lalo na kung marami tayong tinatapos na gawain at nangangailangan tayo ng lakas para hindi antukin. Pero ikalawa ito sa listahan natin na dapat iwasan lalo na kung nasa thirty mahigit na ang edad mo. Kung tutuusin, hindi naman ‘yung iced coffee ang nakapagpapatanda kundi ang pag-sip sa straw. Lumabas umano sa ilang pag-aaral na ang pag-sip sa straw lalo na kung madalas ay nakasasanhi ng wrinkles at fine lines.
SPORTS DRINKS
Bukod sa coffee, isa pa sa nakatutulong sa atin para makayanan ang puyat at pagod ay ang pag-inom ng sports drinks. Marami sa atin, lalo na iyong mga laging puyat ang umiinom nito para lang makaraos sa araw-araw at hindi antukin sa opisina.
Gayunpaman, isa pa rin ang inuming ito sa nararapat lang nating iwasan. Nagtataglay ng calories at sugar ang sports drinks na hindi naman natin gaanong kailangan lalo na kung mula ito sa mga nasabing inumin. Kaya, para sa overall health, iwasan ang sobrang sugar.
SODA
Isa pa sa inumin na dapat nating iwasan ay ang soda. Masarap itong inumin lalo na kapag sobrang init ng panahon.
At kapag nasa tamang edad na tayo, iniisip kaagad natin na lahat ng gusto nating kainin at inumin ay puwede. Halimbawa na lang ang soda, marami sa atin ang kinahihiligan ito. Pero dahil thirty something ka na, iwasan na ito dahil hindi ito Mabuti sa katawan.
Puwede rin namang limitahan ang pag-inom nito kung hindi talaga maiiwasan.
SOY SAUCE
Panghuli sa ating listahan ay ang toyo. Sino ba naman ang nakakakain ng walang sawsawan lalo na kung inihaw na isda ang nasa ating harapan? Siyempre, mas masarap at mas ginaganahan tayo kapag may sawsawang toyo.
Masarap nga ang sawsawang ito pero isa ito sa kailangan nating iwasan. Ang mga salty food gaya ng soy sauce ay nakatatanda. Kaya para bumatang tingnan, iwasan ang soy sauce at iba pang salty food.
Masarap kumain pero kailangang maging maingat tayo sa ating kinakain. Isipin ang kaligtasan. Isipin ang sarili.
Comments are closed.