May mga pagkakataon sa ating buhay na bigla na lamang tayong nagiging makalilimutin. O hindi naman kaya, dumarating sa punto na hindi natin agad-agad na makabisado ang mga aralin kung kailan may pagsusulit na gagawin kinabukasan. Kung hindi naman ay may nakaliligtaang petsa kung kailan tayo ay may pupuntahan. Ilan lamang ito sa mga senyales na humihina na ang ating memorya.
Kaya naman nagsipaglabasan ang mga vitamins na nagsasabing nakapagpapatalas ng isipan. Kung kaya’t ang mga magulang na namomroblema sa kanilang anak na madalas mababa ang iskor sa exam ay bumibili ng mga ito.
Sa kabilang banda, may mga pagkaing maaaring makatulong sa pagpapatalas ng memorya na madalas ay karaniwan lang na makikita sa ating paligid. Ang mga bitaminang makukuha sa mga pagkaing ito ay nakatutulong sa ating utak. Kaya naman, sa mga magulang diyan na nag-aalala sa memorya ng mga anak, narito ang ilang mga pagkaing kailangan nilang kahiligan:
MANI
Hindi nga naman nawawala sa listahan ang mani. Pagdating sa pagpapatalas ng memorya, palagi itong nangunguna. Ang mani ay nakatutulong sa pagpapataas ng memorya dahil sa taglay nitong vitamin E at good fats. Base sa mga pag-aaral, ang mataas na lebel ng vitamin E sa katawan ay nagpapatalas ng isipan.
MATATABANG ISDA
Pamilyar tayo sa omega-3 fatty acids na matatagpuan sa taba ng bangus. Pero hindi lang bangus ang isda na nagtataglay ng omega-3. Makikita rin ito sa tuna, tilapia, salmon, sardinas, at tamban. Ang omega-3 ay hindi lang maganda sa puso kundi nakatutulong din ito sa magandang pagdaloy ng dugo sa ating utak.
ITLOG
Hindi totoong nagdudulot ng pagkabokya sa exam ang pagkain ng itlog. Mayaman ang itlog sa choline na kailangan lalo ng mga bata para sa paglinang ng utak at memorya. Mainam din ang pagkain nito sa agahan lalo na’t madali lamang itong ihanda.
AVOCADO
Ang avocado naman ay nagtataglay ng vitamin B at healthy fats na tumutulong sa magandang pagdaloy ng dugo sa ating utak. Sa pagkain ng avocado, puwede itong gawing shake o kaya naman ihalo sa salad. Mayroon din namang iba na inihahanda ito kasama ng scrambled egg at tinapay.
BROCCOLI
Nagdudulot ng maayos na pagdaloy ng dugo sa ating katawan ang broccoli. Ang magandang daloy ng dugo papunta sa ating utak ay nagreresulta sa maayos na pag-iisip.
BEANS AT LEGUMES
Ang beans at legumes ay mayaman sa complex carbohydrates at folate. Ang mga sustansiyang ito ang nakatutulong para mas maging maayos na gumana ang ating utak.
Sa mga tamang pagkain at magandang pamumuhay, hindi lang tayo makaiiwas sa mga sakit. Makatutulong din ito para maging maayos ang ating pag-iisip. Mahalaga ring ipahinga ang utak kahit sandali nang sa gayon ay hindi ito masyadong napapagod.
Lagi rin nating isipin na lahat ng parte ng ating katawan ay mahalaga. Lalo na ang utak kaya dapat natin itong alagaan ng tama.
Maraming bitamina ang nagsasabing nakatutulong sa matalas na memorya. Gayunpaman, hindi mo na kailangang bumili pa ng mamahaling produkto dahil sa pamamagitan lang ng mga pagkaing nabanggit sa itaas, mapatatalas mo na ang iyong isipan. LYKA NAVARROSA