BILYON-BILYONG piso na ang nawawala sa bansa, sa usapin ng online gaming pa lang, huwag na munang kuwentahin ang kitaan sa mga palusutan sa Bureau of Customs o tax credit scam sa Department of Finance. Daang bilyong piso na ‘yan.
Bigyan muna natin ng pansin ang online gaming na marami ang nag-o-operate ngayon na walang kaukulang permit o business license mula sa pamahalaan, partikular na ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Nakatanggap tayo ng sumbong, mga kamasa, although noong isang taon pa ‘yan na may mga nag-uulat sa atin ukol diyan, na may mga nag-o-operate ng online casino subalit pawang mga walang permit mula sa pamahalaan at nakakatakas sa kanilang duties na dapat sana’y nababayaran sa pamahalaan.
May isang kompanya ang naiulat sa akin ng isang confidential informant na nag-operate noon sa siyudad ng Makati, diyan sa Chino Rices Avenue, na kunwari ay isang call center, ngunit isang gaming operation pala.
Ang kanilang operation ay nagpatuloy sa tulong na rin ng ilang opisyal ng lokal na pamahalaan umano, ngunit nang itaas nila ang kanilang hinihingi sa ilegal na pasugalan sa P30 milyon ay nagpasiyang lumipat ang nasabing online gaming set-up sa lalawigan ng Bataan, kung saan naman ay kunwaring online encoding company ito, o transcription firm.
Ang siste, ang mga empleyadong Filipino na kunwari ay encoder, ay nagsisilbi talagang parang bank teller na siyang nagma-manage ng accounts ng mga foreign player o manunugal.
Ang kliyente ng mga ito ay naka-base sa Indonesia kaya naman bukod sa mga Filipinong kawani, mayroon ding Indonesian nationals na employed ang kompanya na siyang nakikipag-usap sa mga Indonesian player sa local language nila.
Ang mga Filipino ang humahawak ng mga account ng mga Indonesian player, sila ang nagpa-facilitate at nagpoproseso ng pagde-deposit ng mga player sa kanilang pondong ipanglalaro at sila rin ang nagpa-facilitate kapag magwi-withdraw na ang player.
Ngunit bukod sa pagiging gaming bank teller, ang mga Filipinong kawani ay nagsisilbi ring mga dummy player upang akalain ng mga Indonesian player na marami ang naglalaro.
Kaya may mga dummy account na hawak ang mga Filipinong kawani na kanilang ipinanglalaro kahit pa nga hindi nila naiiintindihan ang laro. Ang mga sikat na laro sa kanilang gaming operation umano ay ang Bonanza, Dermaga, Taipa at Tangkas.
Bawat Filipinong kawani na processor ay may dumaraan sa kanyang salapi na umaabot ng P500,000 kada araw, ibig sabihin ‘yan ang pumapasok sa kanilang online casino, sa isang account officer pa lamang ‘yan o bet processor. Kaya sa 30 na mga Filipinong processor o account officer, nasa P15 milyon kada araw ang pumapasok sa kanilang ilegal na kompanya.
Ang naka-front na boss sa kanilang operation umano ay isang alyas Yuli Yanto.
Comments are closed.