MGA PAMANANG LIKHA NG GAWAIN AT TAGUMPAY NI TITA CORY

SA ARAW na ito ay ating ginugunita ang buhay at gawain ng dating Pangulong Corazon Conjuangco Aquino na namatay noong unang araw ng Agosto taong 2009.

Kinilala siya bilang unang babaeng pangulo ng Pilipinas, lider ng 1986 People Power Revolution, at ang pangunahing personalidad na responsable sa panunumbalik ng demokrasya sa bansa.

Ngunit bukod sa mga malalaking bagay na ito, napakarami pa niyang nagawa para sa mga Pilipino at bansa — ang iba ay tahimik niyang trinabaho, ang iba naman ay nalimutan na, ngunit hindi maaaring maisantabi ang mga ito bilang maliit na bagay. Mas gusto ni Pangulong Cory na magtrabaho nang walang ingay dahil hindi siya kagaya ng ilang mga tradisyunal na politiko (trapo). Pangunahin ang delicadeza at integridad para sa kanya.

Sa ilalim ng kanyang administrasyon, inilunsad ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) upang magkaroon ng lupa ang mga magsasaka. Inalis din niya ang mga paghihigpit sa midya na ipinatupad noong panahon ni Marcos. Ang bunga nito? Kalayaan sa pamamahayag.

Sa isyu ng karapatang pantao, ipinatupad ni Presidente Cory ang ilang mga hakbang upang matugunan ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa bansa, halimbawa, ang pagtatatag ng Presidential Committee on Human Rights. Maaalala rin ng marami na binuo ni Cory ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) upang mabawi ang mga nakaw na yaman mula sa naunang administrasyon. Ito ay kanyang paraan ng pagtugon sa isyu ng korupsiyon sa pamahalaan.

Naging aktibo rin siya sa pangangalaga sa ating kalikasan; kanyang sinuportahan ang pagtatatag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang ahensiya ng pamahalaan na nakatutok sa mga polisiya at regulasyong may kinalaman sa ating kalikasan.
(Itutuloy)