MGA PAMANANG LIKHA NG GAWAIN AT TAGUMPAY NI TITA CORY

(Pagpapatuloy)
SINISIMBOLO ni Tita Cory ang matapang at malakas na Pilipina. Dahil sa kanyang pagkapangulo, nabigyang-daan at nahikayat ang mas maraming kababaihan na makisali sa politika at serbisyo publiko.

Noong pinirmahan niya ang Executive Order No. 209 noong 1987, itinaas niya ang estado ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Family Code bilang kapalit ng Book 1 ng 1950 Civil Code of the Philippines.

Ayon sa manunulat at journalist na si Raissa Robles, ang aksyong ito ni Pangulong Cory ay nagsimula ng malaking pagbabago sa lipunan sa bansa.

Kinilala ng administrasyon ni Cory ang pangangailangan ng bansa na magkaroon ng bagong mga batas patungkol sa pamilya, mga batas na nakasasabay sa panahon at mga pagbabago dahil ang lumang Civil Code ay may impluwensiya pa ng lumang Codigo Civil mula sa ating mga mananakop na Kastila, na hindi naman pinalitan ng mga Amerikano at hindi rin binigyang pansin ng ating mga naunang mambabatas, marahil dahil karamihan sa kanila ay kalalakihan. Bilang babae, inuna ni Cory Aquino ang bagay na ito.

Marami sa resulta at epekto ng mga nagawa ni Pangulong Cory noon ay nararamdaman pa rin ngayon. Dahil sa kanyang nagawa, marami ang pribilehiyo at benepisyo na tinatamasa ng mga Pilipino.

Ito ang saysay ng pag-alaala natin sa buhay at kamatayan ni Pangulong Cory, kasabay ng ating sama-samang panalangin para sa kanyang katahimikan at kapapayaan ng kaluluwa. Tunay na mas tumagal ang kanyang gawain kaysa mortal niyang buhay, at ang bunga ng kanyang sakripisyo ay patuloy na nagpapabago ng buhay nating mga Pilipino magpasa-hanggang ngayon.