MGA PANANIM NA NASALANTA NI ‘KRISTINE’ PAPALITAN

Handa ang Department of Agriculture (DA) na tumulong sa replanting o muling pagtatanim sa mga sakahan na sinalanta ng bagyong Kristine sa oras na humupa na ang baha dulot ng masamang panahon, bagamat 70 porsiyento na umano ng pananim sa bansa ay naani na ng maaga dahil sa pagtalima sa payo ng kagawaran ng mga nakaraang araw.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na  pinahahanda na nito ang mga seeds o binhi na gagamitin  sa mga lupaing pang agrikultura na nalubog sa baha dulot ng panananalasa ng naturang bagyo.

Kamakailan lamang ay pinayuhan ni Tiu Laurel Jr. ang mga magsasaka na anihin ng maaga ang kanilang mga pananim  upang mabili kaagad ng National Food Authority (NFA) at  maiwasan ang pagkalugi  at ang pinsala sa agrikultura  at upang mapataas na rin ang rice buffer stock ng bansa.

“Unfortunately, the effects of La Niña, particularly Kristine, will hurt our production as we are already at harvest period this wet season. It is sad news that areas ready for harvest have been reportedly flooded,”sabi ni Tiu-Laurel.

Sa kasalukuyan, si Tiu Laurel ay nasa Washington DC para sa pakikipagtalakayan ng agrikultura at pagkain sa World Bank’s 2024 annual meetings.

Ito ay sa gitna ng forecast ng  Masagana Rice Industry Development Program na posible umanong magkaroon ng losses o pagkalugi ng 358,000 metriko tonelada ang rice sector sa projected na ani ng  palay na 19.41 million metriko tonelada na posibleng mas mababa kumpara sa parehong panahon noong isang taon sa panahon ng tagtuyot na dulot ng El Nino.

Samantala, iginiit naman ni DA Undersecretary for Rice Industry Programs  Christopher Morales  na  sapat ang magiging suplay ng bigas sa loob ng 100 araw  na aabot sa 3.83 mil­yong  metriko tonelada  dulot ng kombinasyon ng lokal na produksyon at inangkat na bigas.

Kamakailan lamang ay naglabas ng P9 bilyon na budget ang Depaprtment of Budget and Management (DBM) sa NFA para sa procurement o pambili ng palay sa fourth quarter ng taong kasalukuyan.Ang naturang halaga ay sapat aniya upang makabili ng  7.2 milyon o  50-kilo na bags ng palay sa halagang P25 kada  kilo.

Samanatala,inatasan na rin ni Tiu Laurel ang Crop Insurance Corp., (PCIC) na isang attached agency ng DA na iproseso na kaagad ang insurance claims ng mga magsasakang nawalan ng kita bunga ng pagkapinsala ng mga pananim dulot ng sunod sunod na mga kalamidad.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia