MGA PANAWAGAN LABAN KAY DIGONG

rey briones

VICE Leni Robredo, Senators Leila de Lima,  Antonio Trillanes, Francis Pangilinan, Risa Hontiveros, Bam Aquino, at mga kasamang sandosenang  “dilawan” sa Kamara.

Inilaglag na CJ ng Korte Suprema Lourdes Sereno. At marami pang iba, kasama ang mga “pula,” na nagsasabing nagtataguyod sila ng mga karapatang pantao.

At noong isang linggo, Suki, ay isang dayuhang madre ang hinusgahang hindi tungkol sa Diyos ang layunin sa pagpasok sa bansa.

Kundi ang makisahog sa mga protestang politikal para sa kapakinabangan ng mga lumalaban sa kasalukuyang administrasyon.

Kaya siya’y walang nagawa nang sapilitang isinakay sa eroplano palabas ng bansa.

Ang madreng si Patricia Fox, Suki, ay tulad din ng mga pangalang binanggit ko sa itaas na iisa ang panawagan sa lahi ni Juan:

“WAG MATAKOT… WAG MANAHIMIK.”

“LABANAN ANG MILITARISASYON

NG ADMINISTRASYONG DUTERTE.”

Lahat na pangalang binanggit ko sa itaas, Suki, ay iisa ang tono para umano sa proteksiyon ng human rights.

Kinukondena nila, Suki, ang umano’y malawakang pamamaslang sa mga “tulad at adik.”

Hanggang sa idemanda nila si Digong sa pandaigdigang hukuman dahil sa libo-libong namatay bunsod ng giyera laban sa droga.

Ang siste, Suki, ay parang bingi ang madlang pipol sa panaghoy ng mga politikong nais manatili, o makabalik sa kapangyarihan.

Naririnig nila ang panawagan laban sa sinasabi ng mga dilawan, pulahan at politikong polpol na umano’y abuso ng gobyernong Duterte.

Nakikita nila ang libong sampol ng madugong giyera laban sa droga.

Pero tila’y aprub sila.

Ang pruweba? E, tumaas na naman ang tiwala ng lahi ni Juan kay Digong.

Higit 70 porsiyento ang pumapalakpak, Suki.       Bakit? Ang hula ko’y hindi dahil sa bulok ang istayl ng nananawagan laban sa pangulo.

Kundi wala nang tiwala ang madlang pipol sa mga personalidad na nasa likod ng panawagan.

Kasi, kung hindi man sila ang may likha ng kasalukuyang isyu sa droga at ekonomiya ay minsan nang napatunayang sila’y naging inutil sa harap ng nasabing mga problema nang sila’y nasa poder pa.

Comments are closed.