MGA PANGUNAHING BILIHIN SA REGION 8 TUMAAS

DTI

INIULAT ng Department of Trade and Industry (DTI) na tumaas ang mga pangunahing bilihin sa Silangang Visayas simula noong buwan ng  Enero hanggang sa mga unang araw ng Hulyo dahil sa mga pagbabago sa pres­yo ng hilaw na mater­yales at mga packaging materials.

Sa pinakabagong ulat, sinabi ni DTI Eastern Visayas Consumers Welfare Division Chief Francisco Paragatos, hindi bababa sa 32 brands ng mga produkto ang nagtaas ng presyo sa nakalipas na anim na buwan.

Ilan sa mga ito ay mga produktong de-lata, mga detergent soap at bath soap at mga rekado. Ang mga pagbabagong ito ay nakasunod pa rin sa Suggested Retail Price (SRP).

“For canned sardines, the most common reason of price increase is due to higher cost of fish, tin cans, cartons, and labor cost. Other brands need to adjust prices because of adjustments across external suppliers and services as a result of new excise tax rates,” dagdag pa ni Paragatos.

Kabilang sa mga produktong mababakas ang talagang pagtaas ay 300 ml condensed milk na mula sa PHP54.50 ay naging PHP56.50, 165 grams canned pork na mula sa PHP30.55 hanggang PHP32.50, 150 grams corned beef na dati ay PHP29.50 ngayon ay PHP30.95 at 175 grams corned beef na nagkakahalaga ng PHP33.50 noon ngunit ngayon ay PHP35.25 na.

Linggo-linggo namang mino-monitor ng DTI ang presyuhan sa mga malalaking tindahan sa mga kapitolyo at ibang lalawigan sa Region 8 para masigurong walang sosobrang taas sa itinakdang SRP.

Binigyang-diin ni Paragatos na hindi ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng mga presyo kundi ang mga adjustment sa presyo ng raw at packag-ing materials. LYKA NAVARROSA

Comments are closed.