DAHIL maraming magagaling na empleyado at manggagawa ang mas pinipiling mag-resign kaysa bumalik sa dating work schedule, naghahanap ang kanilang mga amo ng iba’t ibang paraan upang makumbinse silang huwag magbitiw sa tungkulin.
Marami pa ring mga organisasyon at kompanya ang naniniwalang sapat na ang pera at maayos na kondisyon sa opisina upang mapanatili ang kanilang magagaling na empleyado. Ngunit sa panahon ngayon, hindi na ito sapat dahil napakahalaga na sa mga manggagawa ngayon ang ilang mga bagay na walang kinalaman sa pera. Halimbawa, ang pagkakaroon ng maginhawang biyahe (o walang biyahe) para makapagtrabaho sa araw-araw, oportunidad upang magawa ang pansariling mga proyekto at hilig, pagkakaroon ng mas mahabang panahon upang makasama ang kanilang mahal sa buhay, at marami pang iba.
At kung ikaw ay isang mahusay na pinuno o lider, alam mo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng magagaling na miyembro sa iyong team. Malaki ang kanilang ambag upang marating ang mga adhikain ng kompanya at mapatakbo nang maayos ang iyong negosyo o organisasyon. Kaya maaaring kailanganing magpalit ka ng pagtingin o perspektibo pagdating sa pagtugon sa kanilang pangangailangan.
Kailangang magabayan mo sila, o maturuan upang marating nila ang rurok ng kanilang potensiyal. Alam ng bawat mahusay na lider na kailangan nilang lumikha ng positibong kultura sa loob ng kompanya kung saan may respeto sa bawat isa.
Pagtuunan mo ng pansin ang iba’t ibang dimensyon ng kalusugan o wellness, kabilang na riyan ang pisikal, emosyonal, mental, pinansiyal, ispiritwal, intelektwal, at panlipunang kabutihan ng iyong mga tauhan. Halimbawa, ang pagpapahalaga sa kanilang pisikal na kalusugan ay maaaring maipakita sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kapaligirang ligtas at nakasuporta sa malusog na pamumuhay.
Ang pagkakaroon ng savings plan ay makatutulong din sa kanila upang maabot nila ang kanilang mga layuning pampinansiyal.
(Itutuloy)