MGA PARAAN UPANG ALAGAAN ANG IYONG MGA TAUHAN

(Pagpapatuloy)
SINISIGURO ng mabuting pinuno na kuntento sa trabaho ang kanyang manggagawa kaya binibigyan niya sila ng sapat na kaalaman, kagamitan, at training upang magawa nila nang mas mabuti ang kanilang tungkulin.

Kailangang maramdaman nilang may natututunan sila at patuloy sila sa pag-unlad. Kailangang maramdaman nilang naniniwala at nagtitiwala sa kanila ang kanilang boss. Isang paraan upang maipakita ito ay ang pagbibigay sa kanila ng karapatan o pagkakataong makapagdesisyon at gumawa ng mahahalagang tungkulin.

Mahalaga rin sa kanila ang pagpapahalaga ng kanilang kompanya at mga pinuno. Kaya mainam na maiparamdam ito sa kanila, kasama na ang positibong komento tungkol sa kanila ng mga kostumer o kliyente. Kung maaaring bigyan ng pabuya ang magandang gawain, tatangkilikin nila ito at mainam din ito para sa organisasyon mismo. Isa sa mga pabuya na maaaring ibigay ay ang oportunidad upang umunlad sa karera o propesyon.

Marahil ay hindi ganap na nauunawaan ng ibang mga lider na isa sa epektibong paraan upang maimpluwensiyahan ang kanilang mga tauhan ay ang pagbibigay ng mabuting ehemplo. Ang pagkakaroon ng positibong kultura sa opisina, bukas at malayang komunikasyon sa trabaho, at sapat na suporta para sa lahat ay mga bagay na maaaring magsimula sa itaas. Kung ang isang lider ay magpapakita ng negatibong pag-uugali, apektado sigurado ang kilos, kolaborasyon, pag-iisip, at disposisyon ng lahat.

Importante ang pagpapakita ng respeto para sa mga paniniwala, opinyon, relihiyon, lahi, at kasarian ng empleyado. Ang isang kaaya-ayang organisasyon at opisina ay dapat na inclusive o panlahatan. At ang isang pinuno ay maaaring magpakita nito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga polisiya na magbibigay sa kanyang mga tauhan ng kalayaan upang ipakita o isagawa ang kanilang mga paniniwala at ihayag ang kanilang damdamin at opinyon sa mabuting paraan, at magpakatotoo sa isang espasyong ligtas at hindi mapaniil.