MGA PARAK NA SANGKOT SA SINDIKATO TARGET NG PNP

DG-Oscar-Albayalde

CAMP CRAME – PINAGHAHANAP ng awtoridad ang isang tauhan ng Philippine National Police (PNP)  na sinasabing bahagi ng isang  kidnap for ransom group sa Laguna province at dawit sa pagdukot sa isang lola.

Dismayado si PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa lumabas na ulat na may mga pulis pa rin na sangkot sa kidnap for ransom group (KFRG) at iba pang cri­minal syndicate.

Dahil dito, mahigpit ang direktiba ni Alba­yalde na dakpin at ine­yutralisa ang Siervo criminal group kung saan ang leader ng grupo ay si PO1 Michael Siervo.

Aniya, ang grupo ni Siervo ang dumukot sa isang lola sa Laguna, na batay sa sumbong ng biktimang si Bonifacia Pascual-Arcita, 69, dinukot siya ng limang lalaki noong Hulyo 29 at dinala sa isang safehouse.

Pinatakas umano siya nang makaramdam ang mga kidnapper na alam na ng mga pulis ang kidnapping cases.

Sa follow-up operations, natukoy ng pulisya ang safehouse na pagmamay-ari ni Siervo.

Narekober sa safehouse ni Siervo ang ilang mga matataas na kalibre ng armas, bala at uniporme ni PO1 Siervo.

Ayon naman kay PNP AKG director C/Supt. Glen Dumlao, batay sa kanilang monitoring, taong 2017 nagsimulang mag-operate ang grupo ni Siervo sa Laguna area.

Ipinagmamalaki ni Dumlao na sa loob ng ­ilang araw lamang ay apat na kaso ng kidnapping ang kanilang naresolba kasama ang pagdukot ng Chi-nese sa sariling anak na narekober sa Ilagan City, Isabela. VERLIN RUIZ

Comments are closed.