MGA PARI AT OBISPO HUWAG MATAKOT-PALASYO

Spokesman Salvador Panelo-2

WALANG dapat ikatakot ang mga pari at mga obispo sa administrasyong Duterte  dahil kaisa sila ng mga ito sa paglaban sa kasamaan sa lipunan.

Ito ang pagtiyak ni Presidential Spokesman Salvador Panelo makaraang maiulat na nakatanggap ng death threats ang hanay ng kaparian kabilang na si CBCP Vice President at Caloocan City Bishop Pablo Virgilio David.

Sinabi ni Panelo na ang dapat matakot ay ang mga kriminal, mga tiwali sa pamahalaan, drug lords at mga te­rorista at hindi ang mga pari at obispo.

Ayon kay Panelo, hindi kailanman  papayag si Pangulong Rodrigo Duterte na masaktan ang mga taga-simbahan at ang mga sinasabi niya  laban sa mga pari ay pawang mga figure of speech lamang o hyperbole at minsan ay mga biro lang.

Sinabi ni Panelo na posibleng ang mga pagbabanta sa buhay ng mga pari ay mula sa mga anti-Duterte trolls o mga personal na kaaway ng mga ito.

Naniniwala si Panelo na sinasadya ng mga kritiko ng administrasyong Duterte na pasamain ang imahe at lagyan ng malisya ang mga pahayag ng Chief Executive kaugnay sa mga pari at obispo.

Una rito ay sinisisi nina Senador Rissa Hontiveros at Leila de Lima ang Pangulo sa mga death threat na natanggap ni Bishop David at iba pang mga obispo dahil sa anila’y panghihikayat noon sa mga adik sa bansa na holdapin, pukpukin ng tubo sa ulo at patayin ang obispong palakad lakad sa kalye.

Idinagdag pa ni Panelo, ginagamit lamang ng mga taga-oposisyon ang isyu para sirain ang popularidad ni Pa­ngulong Duterte.   EVELYN QUIROZ

Comments are closed.