MGA PARI NAGDAOS NG PENITENTIAL WALK

ISANG penitential walk ang idinaos ng mga pari ng Archdiocese of Manila kahapon.

Ang Hunyo 1 ay una nang itinakda ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo bilang Archdiocesan Day of Prayer and Fasting.

Layunin nitong ipagdasal ang bansa at ipanalangin ang katapusan ng COVID-19 pandemic.

Nauna rito, nagtipon-tipon ang mga pari sa Quiapo Church nitong Martes ng umaga para sa isang communal penitential service at sama-samang nagdasal at nangumpisal o humingi ng kapatawaran sa kanilang nagawang mga kasalanan.

Pagkatapos nito ay saka nila isinagawa ang penitential walk kung saan naglakad ang mga pari mula Quiapo Church papuntang Sta. Cruz Church kung saan magdaraos ng misa pagkatapos.

Naghanda naman ang mga hijos para matiyak na maayos ang paglalakad at isinara na rin ang Plaza Miranda sa publiko.

Nilinaw ng simbahan na hindi nila pinayagang sumali ang publiko sa penitential walk at tanging mga pari lamang ang lumahok dito, para masunod ang mga health protocols ng pamahalaan kontra COVID-19.

Inanyayahan na lamang ang publiko na manood na lang sa livestream o online at magdasal sa kani-kanilang mga bahay para sa bansa.

Samantala, binigyang-diin naman Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo Church, na walang kinalaman sa politika o hindi political rally, ang naturang relihiyosong aktibidad.

Paglilinaw pa niya, isang paraan ng Simbahan upang higit na maipaabot sa Panginoon ang pagsusumamo upang mawakasan na ang COVID-19 pandemic na nagdudulot ng malawakang krisis sa buhay ng bawat isa.

Gayunpaman, inihayag ng Pari na kabilang sa panalangin ng Simbahan ay ang kaliwanagan ng isip ng bawat opisyal ng bayan upang makapagdesisyon ng para sa ikabubuti ng sambayanan.

“Hindi po ito political rally, ito po ay penitential walk wala po itong kinalaman sa [politika] syempre kasama sa panalangin natin ang lahat ng lider na maging malinaw ang desisyon pero higit sa lahat ito po ay pagdulog sa Diyos na tayo po ay tulungan na makayanan natin at malampasan yung pinagdaraanan natin dulot ng pandemic, so hindi ito political rally,”ani Fr. Badong, sa panayam sa church-run Radio Veritas.

3 thoughts on “MGA PARI NAGDAOS NG PENITENTIAL WALK”

Comments are closed.