MGA PARI SA LAGUNA, NAGKASUNDONG ‘DI MAG-AARMAS

NAGPULONG at nagkasundo na ang mga paring nakatalaga sa Diocese ng San Pablo sa Laguna, na hindi sila mag-aarmas o magkakaroon ng baril.

Ito’y sa kabila ng naganap na pagpatay sa tatlong pari sa bansa kamakailan, na kinabibilangan nina Fr. Mark Anthony Ventura ng Gattaran Cagayan, Fr. Marcelito Paez at Fr. Richmond Nilo na kapwa mula Nueva Ecija.

Ayon kay San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on Clergy, nagpulong siya at ang mga pari sa kanilang diocese kamakalawa at nagkasundong hindi sila magma-may-ari ng baril.

“We came up with a common policy. Each will not own a gun,” ani Famadico, sa panayam ng church-run sa Radio Veritas.

Nauna nang nagpahayag ng pagtutol si Famadico sa pagkakaroon ng baril ng isang pari dahil taliwas ito sa misyon ng Simbahan na magpalaganap ng kapayapaan sa lipunan.

Sakali naman aniyang mayroong pari na nagmamay-ari ng baril ay hihikayatin din niya ito na makipamuhay sa kapwa pari kung saan pinahahalagahan ang kawalang karahasan sa lipunan at higit na isinasabuhay ang mga turo ng Panginoon.

“I will talk with him and convince him to unite himself with his fellow priests in living out the value of non-violence,” anang Obispo.

Matatandaang noong Hunyo 17 ay kumalat ang ulat na may ilang pari sa Laguna ang nagdadala ng baril bilang proteksiyon sa sarili dahil na rin sa sunod-sunod na pamamaril sa apat na pari ng Simbahang Katoliko, na ikinamatay ng tatlo sa kanila at ikinasugat ng isa pa.   ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.