MALAYO pa ang 2028 presidential elections ay nag-aaway-away na ang matitino, maka-BBM, maka-Leni, maka-Duterte para kumabig ng mga partido, supporter na aangkas sa pagtesting kung sino ang dominanteng partido at kandidato na malaking-malaki ang tsansa na manalo pagkatapos ng termino ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Yung alyansa nina PBBM at VP Inday Sara Duterte ay buwag na kahit pa itanggi ito ng kani-kanilang tagasunod dahil ngayon pa lang laganap na ang party switching, paboritong prutas na ang matamis, masustansiyang balimbing!
Kawawa ang paruparo na ipinatutungkol sa kanila ang mga politikong walang buto, na sa konting kindat, kakapit at magpapalit sa partidong nasa poder at doon sila makikinabang.
Para silang prostitutes na palit ng palit ng partner basta may mahuhuthot na pera at pakinabang: only partners with benefits; linta ang mga politikong pag wala nang dugong masisipsip, bibitaw sa kinapitan upang manipsip sa bagong biktima.
Sa Pilipinas, uso ang temporary, pansamantalang alyansa politika, at unang prinsipyo, saan partido o politikong may makukuhang pakinabang!
o0o
Alam n’yo ba, mayroong 169 political parties na accredited ng Comelec na ang tayo o sakop ay nasyonal at lokal, kasama ang partylist.
Dati dalawa lang ang political party sa bansa: Nacionalista Party (NP) na itinayo noong April 1907 nina dating Pres. Manuel L. Quezon at dati ring Pres. Sergio Osmena para isulong ang pagkalas ng Pilipinas sa pananakop ng US.
Matapos ang liberation sa kamay ng Hapones noong 1945, kumalas ang tropa ni dating Senador Manuel Roxas at itinayo ang LP, at masasabi, sorry po, ang unang Balimbing Party pala ay ang LP na naging Yellow Party (YP) at naging Pink Party (PP) nina Leni Robredo at Kiko Pangilinan.
Balimbing din pala si Ferdinand Marcos Sr. na dati, LP na nag-NP para labanan ang kapartido noon na si Pres. Diosdado Macapagal sa presidential elections noong 1965.
At muli, nang ibagsak ni FM Sr. ang martial law (ML) noong 1972, itinayo niya ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL) noong 1979 na naging dominanteng partido hanggang 1986.
Itong KBL naman ay binuo ng maraming LP na nag-over the fence sa NP para makinabang sa diktadurya ni FM Sr.
Sa panahon ng ML, itinayo ni dating Senate Pres. Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr. ang Partido Demokratiko Pilipino na isinanib sa partido Lakas ng Bayan ni dating Sen. Ninoy Aquino noong 1983 laban sa KBL ni FM Sr.
Upang ibagsak si FM Sr. itinayo ni dating Sen. Salvador ‘Doy’ Laurel ang United Nationalist Democratic Organization (UNIDO) na nakipag-alyansa sa PDP-Laban ni Pimentel na sumuporta sa kandidatura ni Cory Aquino noong 1986 na si Doy ang katiket na VP nto.
Ang PDP-Laban nag-endorso sa kampanya ni dating Pres. Rodrigo ‘Digong’ Duterte.
Itinayo naman ni Fidel Ramos ang Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) na nagpanalo sa kanya sa panguluhan: chairman emeritus dito si Lola Gloria Macapagal-Arroyo na sinibak ng presidente nito na si Speaker Martin Romualdez na naging dahilan ng pag-aalsa balutan ni VP Sara Duterte bilang co-chairman ni Sen. Bong Revilla Jr.
Sa pagkalas ni VP Sara, pinarunggitan niya si “Tambaloslos” na marami ang naniniwalang si Romualdez ang pinatutungkulan na nag-iipon na ng kakampi para sa ambisyong tumakbong presidente o maging instant prime minister.
E, sa ngayon, bomba atomika ang lakas ni VP Sara at ang mahika nito sa pulso ng masang Pilipino, susundan ng Agila ng Davao ang yapak ng tatay niyang si Digong!
1992, itinayo ni Danding Cojuangco Jr. ang Nationalist People’s Coalition (NPC) na kanyang ginamit na behikulo para sa pagtakbo sa panguluhan pero nabigo dahil tinalo siya ni dating Pres. Fidel Ramos.
Aksyon Demokratiko (AD) na itinayo ni dating Sen. Raul Roco noong 1997 ang sinakyang partido ni dating Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa pagtakbo sa nakaraang panguluhan.
Noong 2011, nabuo ang National Unity Party (NUP) ng mga nadismayang kasapi ng Lakas Kampi CMD.
Bukod sa mga partylist na nakatali sa pusod ng Communist Party of the Philippines, may sariling partylist ang pami-pamilya ng nakaupo politiko at mayayamang oligarko para proteksiyonan ang kanilang personal na interes at negosyo.
Mayroon ding partidong nagtataguyod daw laban sa korupsiyon, federalismo at equality raw tulad ng Citizens’ Battle Against Corruption (CIBAC)ng itinayo noong 1997 ni Jesus is Lord Worldwide Pastor Cong. Eddie Villanuena at Sen. Joel Villanueva.
Ewan kung buhay pa ang Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) ni Peping Cojuangco, Jr. at ang Lakas ng Bansa ni dating Sen. Ramon Mitra na itinayo noong 1988 sa dismaya kay Tita Cory sa pag-endorso kay FVR na kandidatong pangulo.
Halos magpakamatay si Mitra kay Tita Cory na iniwan sa labanan sa panguluhan na nagpanalo kay Ramos.
Alam n’yo bang may Makabayan (Makabayang Koalisyon ng Mamamayan) na koalisyon ng 12 partylists na itinayo noong 2009 na kabilang ang Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers, Anakpawis, GABRIELA, Kabataan, Katribu, Migrante, Akap-bata, COURAGE, Piston, Kalikasan, at Aking Bikolnon.
Pinaniniwalaang itong Makabayan ay partido ng namayapang Joma Sison ng CPP!
2018, itinayo ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na sumuporta kay dating Pres. Duterte na balita ngayon nagbubuo na ng maraming alyansa para sa kandidatura ni VP Sara kontra kay Speaker Martin Romualdez at ewan kung totoo na nag-aambisyon ding tumakbong pangulo si Sen. Raffy Tulfo.
Masigla pa naman ang Partido ng Masang Pilipino, PMP (1991) na itinayo ni dating Pres./Manila Mayor Erap Estrada.
Buo pa kaya ang United Nationalist Alliance (UNA) ni dating VP Jejomar Binay na itinayo nitong 2016 sa dismaya nang bitawan ng PDP-Laban na kinatalo niya kay PRRD.
o0o
Dahil sa rambulan at balimbingang politika sa bansa, pagtatayo sa sari-sariling interes ng mga partido at pamilyang politiko, sa halip na umangat, nalulubog sa putik at pusali ang buhay ng Filipino.
Walang direksiyong politika na kanya-kanya ng kabig sa kayamanan ng bansa kasabwat ang oligarko na nasa likod ng mga popular na politiko na pinopondohan ng bilyon-bilyong piso, walang pagkakataon ang matino, tunay na makabayang Filipino na manalo at maiangat ang unang Republika sa Asya.
Kawawang prutas na balimbing na naging simbolo ng malagim na bayan ng mga “Tambaloslos” at “Paru-Parong Linta” ng politikong Pinoy.
Dahil sa Partido Balimbing at rambulang at karambolan at pansariling politika, imbes na maging matured at ganap na matatag ang Pilipinas, parang batang gusgusin at uhugin na kulelat sa karera sa paglago ng mga katabing bansa sa Asia.
Alam nyo ba na, may sariling car manufacturing ang Vietnam na dinurog ng US sa loob ng 30 taong giyera!
o0o
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].