MGA PARTY-LIST PINABULAANANG INENDORSO SI VELASCO BILANG SPEAKER

MASAlamin

NAGKAISA ang tatlong partido politikal sa pagpabulaan na hindi inendorso ng mga ito ang speakership bid ni Cong. Lord Allan Velasco. Kabilang na rito  ang mga miyembro ng PDP-Laban na partidong kinabibilangan mismo ni Velasco, ang Partylist Coalition at ang Nationalist People’s Coalition o NPC.

Nagsulputan ang  mga ‘denial statement’ ng naturang mga partido matapos ipalabas ng kampo ni Velasco ang kopya ng multi-party manifesto of support para sa kanyang kandidatura.

Ayon kay Ako Bicol Party List Cong. Alfredo Garbin, wala pang pinagkasunduan ang 54 party-list solons kung sino ang susuportahang speaker. Kung pumirma man daw ang kanilang pinuno na si Cong. Mikee Romero sa manifesto, ito ay kanya lamang sariling desisyon at hindi ng buong party-list coalition dahil kailangan pa nilang magpulong tungkol dito.

Hindi rin pinalampas ni Kalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang ginawang pagpirma ni Romero sa manifesto. Unfair aniya sa ibang party-list solons na sabihin ni Romero na si Velasco ang kanilang inen­dorso.

Maging si Senate President Tito Sotto ng Nationalist People’s Coalition ay nasorpresa sa lumabas na manifesto at sinabing wala pang desisyon ang NPC tungkol sa speakership. Sariling desisyon lang daw ng dalawang NPC solons ang pagpirma sa manifesto at hindi ng buong NPC dahil patuloy pa ang kanilang konsultasyon kung sino ang susuportahang speaker.

Inamin naman ni Albay Rep. Joey Salceda na walang ginawang konsultasyon sa mga miyembro ng PDP-Laban bago ihayag ni Sen. Pacquiao.  Mahalaga aniya na hindi lamang ang mga lider ng PDP-Laban ang magdesisyon kundi buong partido at lahat ng miyembro nito.

Binira rin ni Davao Cong. Pantaleon Alvarez ang ginawa ni Pacquiao dahil hindi nasunod ang kasunduan na hihintayin nila ang desisyon ni PRRD kahit sinabi nitong ayaw na niyang makialam sa usapin.

Naku po Cong. Velasco mukhang palpak ang pinakinggan mong strategy, ayan at nagba-backfire na sa iyo. Tingnan mo ang idinulot ng mga ‘fake news’ na ipinakalat ng kampo mo. Medyo ill-advised ka Cong. Velasco. Sa­yang.

 

 

Comments are closed.