HABANG abala ang lahat sa paghahanda para sa Bagong Taon, abala rin ang maraming Pilipino sa pagpaparehistro ng kanilang mga SIM cards.
Mahaba pa naman ang panahon para gawin ito, ngunit marami ang nag-uunahan na sa pagpapa-rehistro sa unang araw pa lang ng registration. Dahil diyan, hindi kinaya ng system ng Globe at Smart ang dami ng mga registrant.
Pero tingnan muna natin kung ano nga ba ang mga parusa kung hindi mo maipapa-register ang iyong SIM card?
Narito ang nasasaad sa batas:
Kung mali ang impormasyon na inilagay sa registration, kasama na ang pagbibigay ng maling pangalan o pekeng dokumento, maaaring makulong ng 6 na buwan hanggang 2 taon, o magbayad ng P100,000 hanggang P300,000; o parehong multa at kulong.
Kung magbebenta o magpapasa ng isang SIM na naka-register na nang hindi dumadaan sa proseso, maaaring makulong mula 6 na buwan hanggang 6 na taon, o magbayad ng multa mula P100,000 hanggang P300,000; o parehong multa at pagkakakulong.
Kung gagayahin ang isang rehistradong SIM, maaaring makulong ng 6 na taon o higit pa, o magbayad ng multang P200,000; o parehong multa at kulong.
Kung hindi naman mai-register ng isang telco ang isang SIM kahit na sumusunod ang may-ari nito, magmumulta ang telco ng P100,000 hanggang P300,000 sa unang pagkakataon; P300,000 hanggang P500,000 sa ikalawang offense; at P500,000 hanggang P1 milyon sa ikatlo at mga susunod pang pagkakataon.
Kung ang isang tao ay magbebenta ng nakaw na SIM, maaari siyang makulong ng 6 na buwan hanggang 2 taon, o magbayad ng multa mula P100,000 hanggang P300,000; o parehong multa at pagkakakulong.
At kung hindi maingatan ng isang telco, ahente, o empleyado nito ang impormasyon ng kanilang mga subscriber dahil sa kapabayaan, maaari silang magmulta ng P500,000 hanggang P4 na milyon.