MGA PASAWAY NA MOTORISTA…TIGIL NA!

Magkape Muna Tayo Ulit

HETO NA naman tayo. Patuloy pa rin ang mga pilosopo at pasaway na mga motorista sa lansangan. Lahat ng samu’t saring ba­luktot na rason, paliwanag at pagtataas ng boses ang nararanasan ng mga MMDA traffic enforcer at Highway Patrol Group (HPG) sa mga motoristang nahuhuli nila dahil sa paglabag ng batas trapiko.

Nawala na ang disiplina na ilan sa atin. Alam natin lahat ito. Lantaran ang mga pasaway na mga bus, jeep at taxi drivers sa lansangan. Isama na rin natin ang mga pribadong motorista.

Ganun din ang mga naka-motorsiklo. Pasok dito, pasok diyan…coun­ter­flow…pagsampa sa mga sidewalk upang makauna lamang maski na makabundol sila ng mga naglalakad na mga commuter. Ito ay nabuo sa kaisipan ng ilan sa atin dulot ng ilang dekadang pagwawalang bahala ng mga namuno sa ating bansa at sa ating lipunan. Ang mga ahensiya tulad ng LTO, LTFRB at LGU noong naunang panahon ang dapat sisihin dito. Haaaay.

Ganun pa man, nandiyan ang kamay na bakal ng MMDA at HPG upang ipatupad ang batas trapiko. Masigasig sila na nang­huhuli ng mga illegal parking, illegal vendors, illegal terminal. Lahat ILLEGAL! Ang HPG naman ay walang tigil na nag-aayos ng trapiko sa mga pangunahing lansangan tulad ng EDSA, Roxas Blvd., Commonwealth Ave., at iba pang mga lugar.

Sa katunayan, may bumigay na nga na isang taga-HPG at nanampal ng isang pasaway na bus driver sa Pasay City kamakailan. Oo nga, mali ang pananakit na ginawa ng pulis, ngunit sa totoo lang sino ba naman ang hindi mabubuwisit sa mga pasaway na mga motorista na tila ayaw makinig at ayaw tumupad sa batas trapiko? Tapos ang gagawin nila ay maglalagay sa traffic enforcer?

Paano sila matututo? Kaso nakatapat si mokong ng isang tapat na pulis.

Natatandaan ninyo pa ba ‘yung pasaway na pasahero sa motorsiklo na may kapal pang magalit dahil sinisita siya na hindi nakasuot ng helmet? Ang nakabuwisit pa rito ay may dala nga siyang helmet ngu-ni’t ginamit niya bilang lagayan ng kanyang pinamalengke. Ano ba yan?! At siya pa ang galit kung bakit sila hinuli!

Kahapon na lamang. Ako ay nakikinig sa radyo nu’ng umaga. May sinita na drayber na nagbaba ng estudyante sa La Salle nu’ng umaga sa ‘no loading and unloading zone’. Sandamakmak na mga MMDA traffic enforcer ang nakapaligid sa La Salle upang alalayan ang dagsang mga sasakyan dito.

Kaso ito pang drayber ang nagalit kung bakit daw siya hinuli. First time lang daw niya ginawa ito. Haller? Sabi pa niya dapat sinabihan muna siya na bawal doon na magbaba ng pasahero. Susmaryosep. Ang daming nakapaskil na senyas doon na bawal magbaba at ang daming traffic enforcer na sumasaway. Hindi pa ba niya nakita ito?

Tapos magalang na ipinapaliwanag sa kanya ang kanyang kasalanan pero galit pa rin siya! Ayaw ibigay ang lisensiya niya. Nakikipagmatigasan pa! Kaya hayun. Imbes na simpleng pagbayad ng penalty at magbayad ng maliit na halaga sa bangko, inaresto pa yata ng pulis at hinatak ang kanyang sasakyan. Dadalhin ito sa Tumana sa Marikina kung saan doon naka-impound ang mga nahuling sasakyan dahil sa illegal parking.

Kaya para sa mga pilosopong motorista…tama na ang pagmamagaling. Sumunod na lamang sa batas trapiko. Malinaw na seryoso ang MMDA at ang HPG na tumulong upang maibalik natin ang disiplina sa lansangan. Itigil na ang pagiging pasaway na motorista!!!

Comments are closed.