NAGING makulay ang ginawang pagpapasinaya ng BBM headquarters sa Pasay City nitong nakalipas na Martes matapos daluhan ng halos 500 volunteers na mga Pasayeño na nangakong kaya nilang tapatan ang mga matatagumpay na caravan na inilunsad sa iba’t ibang panig ng bansa ng UniTeam.
“Naiinip na kami. Gusto naman namin ipakita na kaming mga taga-Pasay ay nakahanda ring magpakita ng suporta kay BBM at papatunayan din namin na hindi kami bayaran,” ani Aling Teresita Ledesma na isang kasambay.
Aniya, nagpaalam lamang siya sa kanyang amo para saksihan ang inauguration ng BBM Headquarters sa Madrigal Compound sa Roxas Boulevard ng nasabing lungsod.
Nanguna sa pagpapasinaya sa BBM Headquarters sina ret. Gen. Thomson ‘GT’ Lantion, secretary general ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP); Atty. George Briones, PFP legal counsel; at iba pang mga PFP official.
Ayon kay Lantion, pati siya ay nagulat dahil sa lahat ng BBM Headquarters na kanilang napuntahan, ang Pasay HQ ang isa sa dinumog ng tao.
“Ipinaaabot po ng ating Presidente Bongbong Marcos ang mainit niyang pagbati sa inyong mga taga-Pasay. Huwag po kayong mainip dahil papasyalan kayo rito ni BBM sa mga susunod na araw,” ani Lantion.
Higit na pinasaya ang okasyon nang magkantahan at magsayawan ang mga BBM supporters kasama sina Lantion at Briones.
Batid ni Lantion na maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Pasay City ang naninirahan kaya inihayag niya rin dito na sa darating na Abril 1 ay magkakaroon ng meeting de avance para sa mga OFWs si BBM.
“Sa April 1 po abangan n’yo iyan. Magkakaroon po ng Overseas Filipino Workers meeting de avance. Forty-five countries po ay may Partido Federal ng Pilipinas sa buong mundo, makikilahok po iyan at makikilahok live stream ang ating mahal na Pangulong BBM,” ani Lantion.
Samantala, isang SK official ang nagsabing kahit saang sulok ng barangay sa Pasay ngayon ay bukambibig si BBM. “Hindi nila kami kayang bayaran dito dahil ako na po ang nagsasabi, solid BBM ang buong Pasay,” sabi pa niya.
Ang pagpapasinaya ng BBM HQ ay inorganisa ng isang pamilyang aminadong loyalist noon pa man.
Tumanggi silang magpabanggit ng pangalan, ngunit sinabi ng mga ito na anumang tulong ang puwede nilang ibigay sa kampanya ni BBM ay nakahanda sila.
“Iba ang magnet ni BBM sa tao. Si misis ko talagang loyalist, pero kapag nakikita mo si BBM talagang mapapahanga ka sa kanya. Malumanay magsalita, walang yabang at ang maganda sa kanya, pilit na siyang ginigiba pero hindi siya kailanman pumatol sa kanyang mga kalaban,” anang padre de pamilya na nakiusap huwag na lang banggitin ang kanyang pangalan.