MGA PASUGALAN DAPAT BIGYANG-PANSIN

Joe_take

ANUMANG operasyon ng kahit anong negosyo na maituturing na wala sa legal na proseso ay dapat siyasatin at panagutin sa batas.

Hindi kinakailangang maging matalino o madunong sa legal na sistema para malaman ito. Gamit ang mga nakalatag na batas ng bansa, madaling matukoy kung alin ang legal at ilegal. Nariyan din ang kapulisan na siyang sisiguro na naipatutupad at nasusunod ang batas.

Maaaring hindi na nagpapatupad ng mga lockdown sa kasalukuyan ngunit hindi ito nangangahulugan na wala na ang pandemyang COVID-19. Hanggang ngayon, marami pa rin ang mga negosyong nakararamdam ng epekto nito at nagsusumikap na bumangon mula sa pagkalugi. Sa ganitong panahon lalong mahalagang masigurong naipatutupad ng tama ang batas bilang suporta sa mga ito.

Nakakapagpabagabag ng kaloobang malaman mula sa column na isinulat ng batikang reporter na si Neil Alcober sa isang pahayagan, na mayroon diumano na operasyon ng mga ilegal na pasugalan sa Calapan City sa Oriental Mindoro. May mga ilang indibidwal na diumano’y nagpapatakbo ng Peryahan sa Bayan, isang operator ng numbers game na walang pahintulot mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ayon sa PCSO, batay sa Presidential Decree 711, hindi na awtorisadong magbigay ang mga lokal na pamahalaan ng prangkisa sa mga pasugalan. Tanging ang pamahalaang nasyonal lamang ang may kapangyarihang magkaloob ng prangkisa sa mga pasugalan sa bansa. Samakatuwid, hindi tama ang operasyon ng Perya ng Bayan, dahil wala itong prangkisa mula sa PCSO.

Dahil naaapektuhan na ang operasyon at kita ng small town lottery (STL), ang tanging numbers game na pinahihintulutan ng PCSO na magsagawa ng ope­rasyon sa buong bansa, humingi ng tulong ang opisyal ng PCSO Oriental Mindoro sa kapulisan ng Mindoro upang mapahinto sa operasyon ang Perya ng Bayan. Subalit, wala pa raw ginagawang aksiyon ang mga ito ukol sa isyu.

Sa paliwanag ng PCSO, mas malaki ang kikitain ng mga STL kung ito lamang ang nagpapatakbo ng operasyon ng numbers game sa bansa dahil ang buwis na ibinabayad nito sa gobyerno ay malaking tulong sa mga Pilipino, lalo na sa mga indibidwal at pamilyang hindi kumikita ng sapat. Ito ang dahilan kung bakit dapat mapahinto ang operasyon ng mga ilegal na pasugalan.

Kung mas lalaki ang kinikita ng operasyon ng mga STL, mas malaki rin ang mga maibabahagi ng PCSO sa mga lokal na pamahalaan, at ibang ahensiya ng pamahalaan na maaaring magsilbing dagdag-pondo para sa iba’t ibang programa at inisyatiba ng mga ito.

Hindi nagbabayad ng buwis ang Perya ng Bayan kaya walang napakikinabangan ang taumbayan sa kinikita ng mga ito. Tanging ang mga operator lamang nito at ang mga sangkot sa operasyon ang nakikinabang sa mga perang pumapasok sa nasabing pasugalan.

Tiyak ako na aaksiyon dito ang kapulisan sa Calapan City, Mindoro. Kalat na pala ang operasyon ng nasabing pasugalan sa pitong bayan ng lalawigan kaya lang wala pa ring agarang aksiyon ukol dito. Habang lumalaki ang operasyon ng mga ito, lalo ring lumalaki ang problema ng Philippine National Police (PNP) kaya mahalagang aksiyunan agad ito sa lalong madaling panahon.

Nabanggit din ni Alcober sa kanyang column na mayroon palang Memorandum na inilabas ang Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Abril 2022 kung saan nakasaad na inaatasan nito ang PNP na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan para bantayan ang operasyon ng Perya sa Bayan at suspindehin ang operasyon ng mga ilegal na pasugalan.

Kaugnay ng Memorandum, nakapagtataka na hindi pa inaaksiyunan ng mga kinauukulan ang isyung ito. Ang mga ganitong isyu ay magandang pagkakataon upang maipakita sa taumbayan na seryoso ang ating kapulisan sa pagsupil sa mga ilegal na gawain saan mang dako ng bansa. Ang hindi agad pagresponde sa mga isyu at problema ay maaaring maging ugat ng pagdududa mula sa sambayanan.

Sa halip na bigyan ng dahilan ang mga tao para kuwestyunin ang integridad ng institusyon, dapat patunayan ng mga ito na nariyan sila upang ipatupad ang batas at tugisin ang sinumang lumalabag dito. Ang mga ganitong katiwalian ay hindi lamang hamon para sa PNP kundi pagkakataon ding ipakita ang katapatan sa kanilang sinumpaang tungkulin.