KUNG kayo ay naghahanap ng pasyalan ngayong Pasko kung saan maaaring dalhin ang buong pamilya, ngunit ayaw ninyo namang magpunta sa mga mall, narito ang ilang ideya na pwede ninyong i-consider.
Meralco’s Liwanag Park. Matatagpuan ito sa main office ng Meralco sa Ortigas Avenue, Pasig City. Bukas ang Liwanag Park mula alas-6 hanggang alas-10 ng gabi, at mananatili itong bukas sa publiko hanggang sa ika-6 ng Enero mula Lunes hanggang Huwebes. Tuwing Biyernes hanggang Linggo naman, bukas ito hanggang alas-11 ng gabi. Para sa karagdagang impormasyon, puntahan lamang ang official website ng Meralco.
UP Diliman. Taon-taon ay bongga ang dekorasyon, pailaw at palamuti ng unibersidad na ito tuwing Pasko. Marami ring mga aktibidad na nagaganap sa loob ng campus, kagaya ng mga konsiyerto, bazaar, at ang natatanging Lantern Parade. Para sa taong 2023, tampok ang installation ng sikat na visual artist na si Toym Imao. Matatagpuan ito malapit sa Oblation. Maaari ring matunghayan ang Lantern Parade sa ika-22 ng buwan.
UST Paskuhan. Siyempre, hindi rin puwedeng magpahuli ang University of Santo Tomas (UST). May mga konsiyerto, kainan, fireworks, at light display na bahagi ng bonggang selebrasyon sa loob ng unibersidad sa Maynila. Gaganapin ang Paskuhan Concert sa ika-21 ng Disyembre. Bisitahin lamang ang UST official Facebook at Instagram pages para sa kumpletong detalye.
Liwasang Aurora. Ito ay maaaring puntahan sa Quezon Memorial Circle. Siguradong mag-eenjoy ang buong pamilya sa pagkuha ng mga litrato at selfies sa loob ng isang tunnel na puno ng kumukutitap na mga ilaw. Kumpleto rin ang lugar sa mga hardin, palaruan, museo, at amusement park kung saan pwedeng magliwaliw ang publiko ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Maligayang pamamasyal sa lahat. Huwag nating kalimutang mag-ingat sa ating mga lakad, lalo na patungkol sa ating kalusugan. Kagaya ng nakagawian, isagawa natin ang health and safety protocols upang manatiling malusog ang buong pamilya.