(Mga pasyente sa ospital inilikas) MASBATE NIYANIG NG M6 NA LINDOL

MASBATE- KINAILANGAN ilikas ng mabilisan ang mga pasyente ng isang hospital sa lalawigang ito nang yanigin ng Magnitude 6.0 earthquake kahapon ng umaga na sinundan ng mahigit isang daang aftershocks.

Ayon sa Office of the Civil Defense (OCD), walang naitalang ‘major damages’ ang kanilang ahensiya kasunod ng nangyaring na lindol na tumama sa Masbate.

Inihayag ni OCD spokesperson Raffy Alejandro IV, bagaman nagkaroon ng interruption sa electrical supply sa buong lalawigan at Ticao Island ay wala pa naman napapaulat sa ngayon na malaking pinsala na idinulot ng nasabing lindol.

Subalit, dahil sa lindol ay kinailangan nang ilipat ang mga pasyente ng Masbate Provincial Hospital sa mga tent bilang bahagi ng kanilang standard operating procedure.

Kaugnay nito ay wala namang naitalang nasaktan sa mga pasyente nang dahil sa naturang pangyayari.

Nauna nang inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na naganap ang lindol bandang alas-2:10 ng madaling araw sa layong sampung kilometro timog-kanluran ng bayan ng Batuan sa Masbate. VERLIN RUIZ