IDIDIRETSO sa Fort Magsaysay sa Nueva Eci-ja ang unang batch ng 42 Filipinos mula sa China na inaasahang darating sa bansa sa Sabado, Pebrero 8, para isailalim sa quarantine at matiyak na hindi kakalat sa bansa ang kinatatakutang 2019 Novel Coronavirus (nCoV).
Ito ay kahit tutol ang gobernador at mga residente ng nabanggit na lalawigan sa naturang panukala na gawing quarantine area ang pasilidad.
Napagkasunduan sa ika-46 na Cabinet meeting na ginanap noong Martes ng gabi ang narurang plano kung saan ang mga nagpasaklolong Filipino ay lalapag sa Clark International Airport.
“President Duterte expressed his concerns about the welfare of the Filipinos flying from China or its Special Administrative Regions to the country,” sa statement ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Sa naturang meeting ay iniulat ni Health Secretary Francisco Duque III na inihahanda na ang Fort Magsaysay na magsisilbing quarantine area na kayang mag-accomodate ng hanggang 10,000 katao na matutukoy na persons under investigation (PUI).
Ayon kay Panelo, nakahanda na rin ang mga sasakyan na magdadala sa mga nabanggit na Pinoy sa Fort Magsaysay at pinatitiyak ng Pangulong Duterte na agarang matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong indibiduwal.
Ang gusali sa Fort Magsaysay ay bahagi ng ipinatayong rehabilitation center sa loob ng kampo ay idinonate ng isang Chinese philanthropist sa panahon ng administrasyong Dueterte.
Nauna nang sinabi ng Department of Foreign Affairs na may 40 Filipinos mula sa Wuhan ang nagpasaklolo at nagsabing nais nilang mapabalik sa Filipinas
Tinatayang aabot sa 300 Filipinos ang nasa Hubei province kabilang na ang 150 iba pa na nasa Wuhan na siyang the epicenter ng nCoV.
Inatasan na rin ng Pangulong Duterte ang Presidential Communications Operations Office na pag-ibayuhin ang pagbibigay ng impormasyon sa publiko ng mga health advisories at guidelines ng mga health experts kaugnay sa isyu ng nCoV at maging ligtas sa nabanggit na virus.
Sinabi pa ni Panelo na umiiral pa rin ang travel ban sa mga pasaherong mula sa China at sa iba pang Special Administrative Regions tulad ng Hong Kong at Macau.
Samantala, iniutos ni Bureau of Immigration (BI) commissioner Jaime Morente sa kanyang mga tauhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at sa mga seaport na ipatupad ang total ban sa mga Chinese national partikular na ang galing sa People’s Republic of China, at Special Administrative Region upang mapigilan ang pagkalat ng nCoV.
Kasama sa direktiba ang mga airline personnel at ang kanilang mga shipping agents na iwasang magsakay ng mga pasahero galing sa mga lugar kung saan nagmula ang 2019 nCoV ARD.
Ito ay bilang pagsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kahit anong klaseng nationality ay huwag isakay kung galing ang mga ito sa Hong Kong at China.
Aniya, ang mga pasahero na galing sa mga nasabing lugar ay automatically be denied entry, ganoon din ang transit passengers.
Kasama rin sa guidelines na ang lahat ng mga Filipino na nagnanais magpunta sa mga ipinagbabawal na lugar ay hindi papayagang makalbas maliban sa mga government delegation at mga miyembro ng World Health Organization na kasama sa pakikipaglaban sa sakit na ito. EVELYN QUIROZ, FROI MORALLOS