MGA PINAY PINAG-IINGAT SA LOVE SCAM

BUREAU OF IMMIGRATION-NAIA

PINAG-IINGAT ng Bureau of Immigration (BI) ang mga Pinay na makipagrelasyon sa nagkukunwaring foreigner sa pamamagitan ng internet, upang makaiwas maging biktima ng modus ng mga scammer.

Ito ay matapos makarating sa kanilang tanggapan ang ibat-ibang reklamo ng mga nabiktima sa naglipanang scammers gamit ang internet, na kung tawagin ay love scams, kung saan daan-daang Pilipina at maging kalalakihan ang nabiktima ng modus na ito.

Ayon sa isang BI official, target ng sindikato ang mga Pinay, na mahilig sa chat.

Isa sa ginagamit na modus ng sindikato, kunwari ay pupunta sa Pilipinas upang makipagkita, at pangangakuan na pakakasalan pagkatapos magte-text na padalhan siya ng malaking halaga dahil na-hold siya sa immigration upang mailabas ang kanyang dalang pasalubong.

Batay sa talaan ng Immigration, isa sa nabiktima ng modus na ito ay ang isang babae, kung saan nag-request na magpadala ng pera ang kanyang mapapangasawa, sapagkat naharang umano siya ng BI sa Davao International Airport dahil sa dala niyang malaking halaga ng pera.

Hiling ng Immigration ay maging alerto, huwag basta-basta maniniwala, at mag-konsulta muna sa mga kinauukulan upang makaiwas sa scam. Froilan Morallos