MGA PINOY ALIPIN PA RIN- FR. PASCUAL

Anton Pascual

IKINALULUNGKOT  ng Catholic priest na si Father Anton Pascual na nananatili pa ring alipin ang mga Pinoy at hindi pa rin nagtatapos ang panawagan para sa pagbabago sa bansa, may 33-taon na matapos ang makasaysayang EDSA People Power 1.

Si Pascual,  pangulo ng church-run Radyo Veritas, ang magiging kinatawan ng Simbahang Katolika sa ecumenical prayer kasabay na rin ng flag raising ceremony at wreath laying activity para sa nalalapit na pagdiriwang ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25, Lunes.

Ayon kay Pascual, bagamat napagtagum­payan ng sambayanan ang diktadurya sa ilalim ng rehimeng Marcos, ay hindi pa rin naman nagtatapos ang pagkaalipin ng mga Filipino sa kahirapan, dulot ng katiwalian at dinastiya.

“Kaya’t hindi pa tapos ang diwa ng rebolusyon. Lumaya tayo sa kuko ng mga makapangyarihan, at kuko ng kahirapan at kasamaan ng korupsiyon,” ayon kay Pascual.

Giit niya, kinakaila­ngan pa ring ipagpatuloy ang rebolusyon o ang pagbabago ng lipunan para maghari ang pag-ibig at katarungan ng Panginoon.

“Alam natin na ang bansang Filipinas ay paghahari lang ng 50-pamil­yang mayayaman oligarchy at ang naghahari lang sa politi-ka ay wala pang dalawang daang pamilya, ang humahawak at kumikitil ng ating politika sa bansang Filipinas dahil nga dito sa family dynasty,” aniya pa.

Nanindigan ang pari na ang EDSA Revolution ay hamon sa pagbabago ng lipunan na ang dapat na maghari ay ang pag-ibig, kapayapaan at katarungan ng Diyos.

Naniniwala rin siya na hindi dapat kalimutan ang nagdaang ‘bloodless revolution’ sapagkat ito ay isang biyaya ng Panginoon na naging daan para makamit ang demokrasya sa Filipinas.

“Kaya’t dapat na­ting ipagpatuloy sapagkat hindi pa tapos ang ating rebolusyon at hangad na lumaya, madami pang umaalipin sa atin tulad ng kahirapan, tulad ng korupsiyon, tulad ng kriminalidad ano at marami pang tulad ng pagka-kanya-kanya at pakasira ng ating kalikasan,” dagdag pa ni Pascual. ANA ROSARIO HERNANDEZ

One thought on “MGA PINOY ALIPIN PA RIN- FR. PASCUAL”

Comments are closed.