(Mga Pinoy hinimok ng WHO) ‘MAGBAWAS-ASIN’ SA PAGKAIN

NAGBABALA ang World Health Organization (WHO) na patuloy na tataas ang bilang ng Filipino adult na makararanas ng high blood pressure at nahaharap din sa banta ng kamatayan dala ng atake sa puso kung hindi babawasan ang pagkonsumo ng asin sa araw-araw na pagkain.

Ito ang ipinabatid ni Anakalusugan party-list Rep. Ray Reyes kasabay ng kanyang pagsuporta sa panawagan ng WHO sa pamahalaan na magpatupad ng komprehensibong polisiya para sa “reduced sodium intake’ campaign sa bansa.

“Reducing our salt intake will not only improve our health but also lower the risk of high blood pressure, heart disease, stroke, and premature death,” pahayag pa ng mambabatas, “AnaKalusugan has always been active in pushing for legislation that will promote the health of Filipinos and we are one with the World Health Organization in pushing for more effective strategies to reduce salt intake,” dugtong ni Reyes.

Base sa datos ng WHO, ang Pilipinas ay may estimated daily dietary sodium intake na 4,113 mg., na higit sa doble ng itinatakdang maximum daily intake na 2,000 mg lamang.

Sinabi pa ng naturang worldwide health institution, 20 percent ng Filipino adults ang nakararanas ng high blood pressure at 35 percent ng mga kamatayan sa bansa ay sanhi ng cardiovascular disease o sakit sa puso.

Bunsod nito, binigyan-diin ni Reyes ang pangangailangan para sa tuloy-tuloy at makatotohanang pagbabago sa pang araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino partikular sa pag-iwas sa maaalat o pagkain sobra sa asin.

Tiniyak naman ng Anakalusugan party-list solon na isusulong niya ang free medical check-up sa lahat ng Pilipino bilang isang regular na programa ng pamahalaan, gayundin ang pag-alis sa ipinapataw na value added tax (VAT) sa lahat ng maintenance medicines. ROMER R. BUTUYAN