TUMAAS ang employment rate ng bansa sa 96 percent noong Agosto mula 95.6 percent sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang briefing nitong Martes, sinabi ni National Statistician at PSA chief Dennis Mapa na ang employment rate noong Agosto ay mas mataas din sa 95.3 percent na naitala noong Hulyo ng kasalukuyang taon.
Ayon sa PSA, ang bilang ng employed Filipinos noong August 2024 ay tinatayang nasa 49.15 million, tumaas mula sa bilang ng employed persons noong August 2023 na 48.07 million at noong July 2024 na 47.70 million.
Ang top five industries na may pinakamalaking pagtaas sa employment ay kinabibilangan ng wholesale and retail trade (+1.13 million), public administration and defense (+678,000), accommodation and food service activities (+537,000), other service activities (+380,000), at transportation and storage (+342,000).
Sinabi ni Mapa na ang Labor Force Participation Rate (LFPR) noong Agosto ay tinatayang nasa 64.8 percent, o 51.22 million Filipinos na may edad 15 at pataas na employed o unemployed, tumaas mula 50.29 million noong Agosto ng nakaraang taon.
“The story basically is we have more female workers joining the labor force,” ani Mapa.
“Year-on-year between August 2023 and August 2024, about 1.03 million female workers joined the labor force and about 1.03 million were absorbed in the labor market, meaning they are employed. Most of them worked for more than 40 hours a week,” dagdag pa niya.
Samantala, bumaba ang unemployment rate sa 4.0 percent mula 4.4 percent noong August 2023 at sa 4.7 percent na naitala noong Hulyo ngayong taon.
Ang bilang ng unemployed Filipinos ay tinatayang nasa 2.07 million, mas mababa kumpara sa 2.22 million noong August 2023 at sa 2.38 million noong Hulyo ngayong taon.
“The number of underemployed, or those who expressed the desire to have additional hours of work in their present job or to have an additional job or to have a new job with longer work hours, stood at 5.48 million, translating to an underemployment rate of 11.2 percent, down from the 11.7 percent in August 2023,” dagdag pa ng PSA.