MGA PINOY NAGSIMULA NANG MAMILI NG PRUTAS NA BILOG

BILOG PRUTAS

MAY ilang mga Pinoy ang nagsimula nang mamili ng prutas na bilog mula pa noong Miyerkoles, isang araw matapos ang Pasko, para sa kanilang tradisyunal na Media Noche sa pagsalubong sa Bagong Taon, habang anila ay mababa pa ang presyo nito.

Sa Binondo, ang halaga ng kiat-kiat ay P100 bawat tatlong bag, habang ang ubas ay nagkakahalaga ng P100 bawat bag.

Ang ponkan naman ay nagkakahalaga ng P50 ang pitong piraso habang ang lemon at peras ay P100 bawat anim na piraso.

Para makatipid, pi­na­yuhan ang mga mamimili na bumili ng prutas na bilog ng maramihan o bulto.

Ang isang tindahan sa Binondo ay nagbebenta rin ng prutas na wholesale, at nakatutulong sa mamimili para makatipid.

Ang isang karton ng ubas ay nagkakahalaga ng P1,400 hanggang P1,659 bawat karton (na may walo hanggang 10 bags) ha-bang ang  kiat-kiat ay P800 bawat karton.

Ang isang karton ng ponkan (72 piraso) ay pumapalo ng P650; mansanas P1,300; peras (96 piraso), P850; kiwi (36 piraso), P750; orange (64 piraso), P1,200; persimmon, P1,600; at cherry, P5,200 bawat karton.

Nag-shopping na rin ang ilang mamimili ng maaga para makaiwas sa maraming tao sa bilihan.

Sinasabing nagdadala ng magandang suwerte ang prutas na bilog sa darating na taon, ayon sa popular na paniniwala.

“Bumibili po, kasi naniniwala kami sa kasabihan na pampasuwerte daw sa Bagong Taon,” ayon sa buyer na si Ryan Tulog.

Ayon sa isang supervisor ng isang tindahan ng bilog na  prutas, magmamahal aniya ito habang papalapit ang Bagong Taon.

Comments are closed.