TINIYAK kahapon ng Department of Health (DOH) na kayang i-accommodate sa New Clark City sa Capas, Tarlac ang daan-daang Pinoy na ililikas ng pamahalaan mula sa Japan sa Linggo, Pebrero 23.
Matatandaang ang mga naturang Pinoy ay lulan ng MV Diamond Princess na kinailangang i-quarantine sa naturang cruise ship sa loob ng 14-araw habang nakadaong sa Yokohama Port, matapos na matukoy na maraming pasahero na nito ang nagpositibo sa 2019 coronavirus disease o COVID-19.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, tiniyak sa DOH ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na kasya ang mga ililikas na Pinoy sa Athlete’s Village sa New Clark City.
Mababakante na rin ang naturang lugar dahil sa pagtatapos na ngayong Sabado, Pebrero 22, ng quarantine sa 49 na Pinoy, na kinabibilangan ng mga Pinoy na mula sa Wuhan City sa Hubei, China, gayundin ng repatriation team at ang mga crew ng eroplano na nag-uwi sa kanila sa Filipinas.
Nabatid na isang simpleng seremonya ang nakatakda nilang isagawa bago palabasin ng quarantine facility ang mga repatriate at payagang makauwi sa kani-kanilang lalawigan. Pagkakalooban din ang mga ito ng quarantine clearance certificate ng DOH.
Sinabi rin ng kalihim na muling magsasagawa ng pulong ang inter-agency task force upang plantsahin ang mga pinal na detalye at hakbang sa gagawing paglilikas sa mga Pinoy na karamihan ay crew ng MV Diamond Princess.
Nabatid na may 538 ang mga Pinoy na sakay ng cruise ship ngunit wala pang pinal na bilang kung ilan sa kanila ang makakasama sa repatriation.
Tiniyak naman na ng DOH na hindi kasamang iuuwi sa bansa ang mga Pinoy na nagpositibo sa COVID-19 dahil kailangan munang gamutin ang mga ito.
Bago naman tuluyang pasakayin ng eroplanong mag-uuwi sa kanila sa bansa ay muling isasailalim ang mga ito sa pagsusuri at ang mga makikitaan ng sintomas ng virus ay hindi papayagang makasakay at sa halip ay ididiretso na sa pagamutan upang malunasan.
Sa kasalukuyan ay 41 na sa mga naturang Pinoy ang nagpositibo na sa COVID-19 at kasalukuyan nang nilalapatan ng lunas sa Japan, ngunit kinukumpirma pa nila ang ulat na nadagdagan pa ng tatlo ang naturang bilang. ANA ROSARIO HERNANDEZ