NANAWAGAN ang gobyerno ng Pilipinas sa mga Pilipinong naninirahan o nagtatrabaho sa Lebanon na maging maingat bunsod ng tumitinding labanan sa pagitan ng Israel at Lebanese forces.
Ito ay makaraang mag- shift ng kanilang focus ng pag- atake ang Israel forces sa Lebanon nitong nakalipas na Linggo.
Nabatid na maging ang International Committee of the Red Cross (ICRC) ay agarang umapela sa mga partidong sangkot sa armadong hidwaan na na igalang at sumunod sa umiiral na international humanitarian law at pangalagaan at buhay ng mga sibilyan at mga impraestruktura.
Ngayon pagpasok ng buwan ng Oktubre ay inaasahang ang pagpapauwi sa mahigit isang dosenang Pilipino mula sa conflict-hit Lebanon ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) official.
Napag-alaman na nabalam lamang ang pagpapauwi sa kanila dahil ilang international airlines ang napilitan na pansamantalang nagsuspindi ng kanilang mga biyahe dahil sa kaguluhan nang lumala ang tension sa pagitan ng Israel at Lebanese Hezbollah militia.
“Hopefully, we are praying na on October 3, yung ating mga Filipinos na na-schedule nu’ng September 26 ay makakarating na. Na-schedule na natin ‘yan dahil nabalitaan nga namin na magli-lift na daw ng suspension, barring unforeseen circumstances,” pahayag ni DMW Officer-in-Charge at Undersecretary Felicitas Bay sa isang pulong balitaan.
Bukod sa nasabing bilang ay may dalawang repatriation flight pa ang inaayos ngayon ng DMW. Umaasa ang nasabing ahensya na maraming Pinoy sa Lebanon ay sasamantalahin ang programa para sa voluntary repatriation.
Sinabing tatangap ang mga ito ng P150,000 financial assistance mula sa DMW at Overseas Workers Welfare Administration.
“Meron din tayong measures or assistance coming from the DSWD, yung psychosocial counseling, at the same time, sa TESDA meron silang mga training vouchers,” dagdag pa ni Bay.
Paalala naman ng pamahalaan sa mga manggagawa na nag desisyon na manatili sa Lebanon, ay maaari silang humingi ng tulong sa Philippine embassy sa Beirut at maging sa tanggapan ng Migrant Workers Office roon.
“Most of the tension ay nagaganap sa south of Lebanon. Yung mga kakabayan natin na nandoon, hinihikayat ng ating Migrant Workers Office at ng embahada na magsilikas na sila. Meron tayong mga shelters na maaari silang manatili muna temporarily until such time na safe na,” ani Bay.
Samantala, tiniyak naman ng ICRC na tuloy tuloy ang kanilang tungkulin sa mga apektado ng armed conflict at iba pang anyo ng karahasan at isulong ang pagpapaigting pa ng paggalang sa international humanitarian law.
Kabilang dito ang pagbibigay ng medical items sa mga health care facilities at pagkakaloob ng tulong pinansyal, pagkain, at household items para sa libo libong pamilya. “This also covers supplies for displaced people living in collective shelters, together with the Lebanese Red Cross, sa ibinahaging ulat ng ICRC office dito sa Pilipinas.
VERLIN RUIZ