MGA PINOY SA LEBANON PINAUUWI NA

MALAKAS ang panawagan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pinoy sa Lebanon na umuwi na sa gitna ng tumitinding hidwaan sa pagitan ng Hezbollah group at ng Israeli forces.

Maging ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay nanawagan na rin sa mga kaanak at kaibigan ng overseas Filipino workers (OFW) na nasa Lebanon na hikayatin ang mga ito na bumalik muna sa Pilipinas.

Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na nasa 1,000 Pinoy sa Lebanon ang nagpahayag ng kagustuhang bumalik sa Pilipinas, at sa nasabing bilang ay 356 indibidwal na ang nakauwi.

Mayroon umanong 11,000 Pilipino sa Lebanon, kabilang ang mga undocumented.

Noong Biyernes ng gabi ay naglabas ng abiso ang Philippine Embassy sa Lebanon para hikayatin ang mga Pinoy doon na lumikas na habang bukas pa ang paliparan.

Ang mga hindi naman makaalis ay hinikayat na pumunta sa mga ligtas na lugar sa labas ng Beirut, South Lebanon, at Bekaa Valley.

Ang sitwasyon sa Lebanon ay kasalukuyang nasa ilalim ng Alert Level 3 na nangangahulugan ng voluntary repatriation.

Mahigpit na sinusubaybayan ngayon ng pamahalaan ang sitwasyon doon kung kailangang itaas pa sa Alert Level 4 ang sitwasyon na nangangahulugan ng mandatory repatriation.

Walang ibang hangad ang pamahalaan kundi ang kapakanan at kaligtasan ng mga Pinoy na naiipit sa kaguluhan sa ibang bansa.