PATULOY na binabantayan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) ang kalagayan ng mga Pinoy sa Taiwan, lalo na sa mga lugar na matinding tinamaan ng malakas na lindol noong April 3.
Binisita ni MECO chair Silvestre H. Bello III ang Hualien County, ang epicenter ng lindol, nitong Linggo at namahagi ng relief packs at cash assistance sa daan-daang Filipino workers na ang trabaho at buhay ay naapektuhan ng lindol. “President Bongbong Marcos is very much concerned with your situation here and he has instructed us to extend all needed assistance to ease your condition,” pahayag ni Bello sa mga Pinoy.
Ang magnitude 7.2 earthquake ay tumama sa baybayin ng county sa eastern Taiwan alas-7:58 ng umaga.
Sa ulat ng Focus Taiwan news outlet, hanggang nitong Linggo, alas- 8 ng umaga, 13 ang nasawi, 1,133 ang sugatan, at anim ang nawawala sa trahedya.
Nakipagpulong din si Bello sa mga county officials at pinasalamatan ang mga ito sa pag-aasikaso sa mga Pinoy. Si Bello ay sinamahan nina MECO deputy resident representative Alice Visperas, Migrant Workers Office director Cesar Chavez at Welfare Officer Ruth Vibar. May 1,400 overseas Filipino workers (OFWs) ang nasa Hualien, ang pinakamalaking county at isang major tourist destination sa Taiwan. Noong Biyernes ay nakipagpulong si Bello sa may 30 Filipino community group leaders na iniulat ang sitwasyon ng kanilang mga miyembro. Sa naturang pagpupulong ay ipinarating niya ang mensahe ng Pangulo sa OFWS. Ang MECO ay namahagi ng T$150,000 (P265,000) na tulong.
Binisita rin ni Bello ang apat na OFWs na nagtamo ng injuries at binigyan ang mga ito ng tig-T$10,000.
(PNA)