MGA PINOY SA TAIWAN PINAG-IINGAT SA CORONAVIRUS

taiwan

PINAG-IINGAT ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taichung, Taiwan ang mga Filipino roon matapos makumpirma ang isang kaso ng coronavirus.

Pinaalalahanan ng MECO Taichung ang mga OFW na panatilihin ang kalinisan at iwasan munang magtungo sa mga matataong lugar.

Hinimok din ng MECO Taichung ang mga Pinoy sa Taiwan na kaagad makipag-ugnayan sa kanila sakaling may mabalitaang Pinoy na nahawahan ng novel coronavirus.

Kaugnay nito, sinabi  ng  Department of Health (DOH) na wala pang kumpirmadong kaso ng 2019 novel coronavirus sa bansa.

Hinihintay pa ng DOH ang confirmatory results sa mga isinagawang pagsusuri sa limang taong gulang na batang Chinese na pumasok sa bansa.

Mananatili pa rin  ang bata bilang “person under investigation.”

Matatandaang bumiyahe ang bata mula sa Wuhan City, China patungong Cebu City noong Enero 12 nang makitaan ng lagnat, throat irritation at ubo bago pumasok sa bansa.

Samantala, hindi naman  nagpasya ang  World Health Organization  kaugnay sa kung kinakailangang magdeklara ng global health emergency dahil sa coronavirus.

Sinabi ni WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus  na kailangan pa ng dagdag na impormasyon ng mga doktor tungkol dito.

Nagdaos ng emergency meeting sa Geneva, Switzerland. “Today, there was an excellent discussion during the committee meeting, but it was also clear that to proceed we need more information,” pahayag ni Tedros sa harap ng 150 mamamahayag sa isang  conference call.

Patuloy na nangangalap  ng data ang mga researcher sa China.

“The decision about whether or not to declare a public health emergency of international concern is one I take extremely seriously, and one I am only prepared to make with appropriate consideration of all the evidence,”  pahayag ni Tedros.