MGA PINOY SA UKRAINE TULOY SA PAGLIKAS

NAGSILIKAS  na ang ilang Pinoy kasunod ng pagsiklab ng kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

May “go bags” ang ilang Pinoy sa Kyiv, ang kabisera ng Ukraine. Naglalaman ito ng mga importanteng dokumento at mga personal na gamit para handa sila kung sakaling sumiklab ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Tumitindi ang girian ng dalawang bansa na mas lalo pang naging kumplikado dahil sa bantang sanctions ng Estados Unidos at padalang tulong na armas ng NATO sa Ukraine.

Nag-aalburoto ang Russia dahil hindi raw ito pinakikinggan sa iginigiit nitong huwag isali ang Ukraine sa NATO at panawagang itigil na ang eastward expansion ng NATO malapit sa kanilang border.

Hindi rin umuubra ang pakikipag-usap ng France, Germany at UK sa Russia upang pahupain ang tensiyon sa Eastern Europe.

Dahil dito marami ang nangangamba sa kalagayan ng OFWs lalo na sa Kyiv.

Maging sa Russia kung saan mainit ang banta ng paglusob, maayos naman ang kalagayan ng ilang Pinoy.

Nagsimula umano ang hidwaan sa pagitan ng dalawang bansa noong 2014 nang sakupin ng Russia ang Autonomous Republic of Crimea na bahagi noon ng Ukraine.

Pero ayon sa Russia, legal ang kanilang pagsama sa Crimea sa Russian Federation dahil dumaan ito sa isang referendum.

Ayon din sa Russian Ministry of Foreign Affairs, isang coordinated fake news campaign lang ng western governments at media ang dumagdag sa tensiyon ng dalawang bansa, para ilihis ang atensiyon papunta sa pansarili nilang mga interes.

“We regard this as collusion between the Western governments and media aimed at fanning tensions over Ukraine by means of a massive and coordinated fake news campaign designed to serve their geopolitical interests, in particular, to divert attention from their own aggressive actions,” pahayag ng Russian Ministry of Foreign Affairs.

Patuloy naman ang pakikipagpulong ang mga taga-embahada sa Poland, na pinakamalapit sa mga Pinoy sa Kyiv, para masiguro ang kanilang kaligtasan.

“Weekly nagme-meeting kami para kung ano ang dapat naming gawin, yong contingency plan at kung ano ang dapat naming ihanda,” kuwento ni Rocher.

Nauna rito, anim na Pilipino ang nai-repariate mula Ukraine sa tulong ng Philippine Embassy sa Warsaw. LIZA SORIANO